Kinaaliwan ng mga netizen ang advertisement post ng isang supermarket sa loob ng isang sikat na mall sa Legazpi City, Albay matapos makisabay sa trending na pagpapangalan sa mga prutas na oranges bilang "Sharmaine."
Sa social media post ng opisyal na Facebook page ng nabanggit na mall, makikitang nilagyan ng label na "Buy Me!" ang mga Sharmaine, este, oranges mula sa viral content ng social media personality na si "Baett."
"Certified and notarized: Sharmaine at your most loved mall, SM City Legazpi," mababasa sa caption ng post.
Sa comment section, may pahabol pa silang post kung saan makikitang "napanotaryo" na nila ang pangalang Sharmaine para sa oranges, at naka-tag pa kay Baett.
"Eto na, kami na nag pa notarize para sayo. PM ka na lang, bigay namin hard copy BAETT," anila.
Nakarating naman ito sa kaalaman ni Baett, at nagkomento sa kanilang post.
"Ay teka lang! May abogado na ba yan? Baka wala ha hindi magandang biro yan!" aniya.
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa mga netizen.
"napanotaryo na po ba?"
"napanotaryo na hahahaha"
"Grabe ang bilis ng SM hahaha."
"grabe, SM na yan oh, beke nemen puwedeng kuning endorsement hahaha."
Mapapanood sa skit ng content creator ang isang orange na nagrereklamo sa kasama niyang mangga dahil mukhang hindi raw napag-isipan ang kaniyang pangalan kumpara sa iba pang prutas.
“Naiinis naman ako teh kasi parang hindi ako pinag-isipan. Diba ikaw ang pangalan mo ay ‘Mango.’ pero dilaw ka naman. Oh diba parang obvious naman sa akin ‘Orange.’ Wala na bang iba?” rant ng prutas na orange.
Kaya nang tinanong siya ng kasamang mangga sa skit kung anong pangalan ang gusto niya, agad na sinabi ng orange na “Sharmaine” ang nais niyang itawag na lamang sa kaniya.