May 23, 2026

Home FEATURES Trending

#BalitaExclusives: Paghabol kay Sen. Bato sa Senado, may web game na!

#BalitaExclusives: Paghabol kay Sen. Bato sa Senado, may web game na!
Photo courtesy: Jopel (TikTok screenshot)

Bumenta sa netizens ang viral web game na ginawa inspired sa naging kamakailang pagtakbo ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa palayo sa National Bureau of Investigation (NBI) agents upang arestuhin siya sa loob ng Senado. 

Mapapanood sa viral TikTok reel ng netizen at developer na si Jopel ang snippet ng larong “Senate Run” at ang naging mabusising programming sa likod nito. 

“Senate got so chaotic I accidentally turned it into a game,” caption ni Jopel sa kaniyang reel. 

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Jopel, ibinahagi niyang trip-trip lang niya at mga kasamahan sa trabaho ang paggawa ng “Senate Run.” 

Noong mga panahong ito, na-curious siya kung paano gumawa ng isang web game at may dito ay may isa sa mga kasamahan niyang nakapagbanggit ng mainit na isyu sa Senado, kaya dito na nila binase ang konsepto ng kanilang laro. 

Trending

Pinoy Guinness World Record holder, personal na kinilala ni PBBM

“For fun lang po talaga siya. Trip-trip lang po namin ng coworkers ko, and curious din po talaga ako kung paano gumawa ng game. Then biglang na-bring up po yung issue sa Senate, kaya dun po binase yung concept,” kuwento ni Jopel. 

Ibinahagi rin niyang noong una, plano pa raw nilang 3D game ang gawin sa “Senate Run,” katulad ng sikat na larong, “Temple Run,” ngunit dahil ine-explore pa lang daw niya ang game development, sinubukan muna niya ang 2D style.

“Originally po, ang plano sana is parang 3D game similar to ‘Temple Run,’ pero since in-eexplore ko pa lang po ang game development, sabi ko baka mas kayanin muna if 2D style lang. Nag-suggest din po sila [mga kasamahan sa trabaho] ng possible tech stack at coding approach, kaya pag-uwi ko po ng bahay, sinimulan ko na agad gawin,” saad ni Jopel. 

Aniya pa, araw-araw, ipinapakita niya sa mga kasamahan ang progreso ng ginagawang laro, na ikinatutuwa ng mga ito ang bawat resulta.

Ngunit bilang Software Quality Assurance Analyst, ibinahagi ni Jopel na inabot ng apat na gabi ang paggawa niya sa “Senate Run” dahil  may iba pa siya prayoridad, kasabay pa nito ang problema sa kanilang internet connection. 

“Everyday po pinapakita ko sa kanila yung progress ng game, tapos natutuwa naman po sila. Pero dahil may work din po ako, ibang priorities, and internet connection issues, natagalan po ako sa paggawa. Inabot din po siguro ng around 4 nights since gabi ko lang siya nagagawa after work,” ani Jopel. 

Hinggil naman sa pag-viral, hindi raw ito inaasahan ni Jopel dahil pinost lang daw niya sa TikTok ang kaniyang progreso at sa perspektiba niya bilang developer, simple at basic lang niyang itinuturing ang “Senate Run.” 

“As usual po, pinost ko lang din sa TikTok yung ginagawa ko to document my projects, pero honestly hindi ko po inexpect na magvi-viral siya hahaha. From a developer’s perspective kasi, simple and basic game lang talaga siya,” saad ni Jopel. 

Sa kasalukuyan, naka-down ang “Senate Run” dahil sa problema sa pondo at biglaang pag-spike ng traffic sa kanilang website. 

Gayunman, nananatili raw itong accessible sa publiko sa web browser sa link na  senate-run.jopel.app.

“Currently down po yung game due to funding problems hahaha. Biglang nag-spike po kasi yung traffic sa website kaya na-hit ko yung limit ng free hosting tier ko. Since wala pa naman po akong kinikita sa game, wala pa rin po akong budget sa ngayon to maintain it continuously. Pero before po, accessible siya publicly through web browser via senate-run.jopel.app,” saad ni Jopel. 

Sa kabila ng tagumpay ng “Senate Run,” binanggit ni Jopel sa publiko na huwag muna masyado umasa dahil nananatili itong “in progress.” 

Habang may mga susunod pa siyang ipinaplanong laro, nananatili pa raw ito sa “planning stage.”

“[M]adami pa po akong gustong gawin na projects in the future. Actually, before posting Senate Run, nag-trend naman po yung CCTV footage related sa barilan issue sa Senate, kaya naisip ko rin po na pwede rin siyang gawing game. Pero wag muna po masyadong mag-expect HAHAHAHA hindi po siya PvP or 3D game. Currently in progress pa lang po siya, so abang-abang na lang po muna. Yung ibang game ideas ko naman po, nasa planning stage pa lang kaya no comment muna hahaha,” saad ni Jopel.

Sa kasalukuyan din, ang reel ni Jopel ay umabot na sa 188.7K engagement sa TikTok.