Iniulat ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla na namataan umano ang nagtatagong negosyanteng si Atong Ang sa rehiyon ng Calabarzon dalawang linggo na ang nakalipas, kaugnay ng patuloy na imbestigasyon sa kaso ng nawawalang mga sabungero.
Sa panayam sa Unang Balita nitong Huwebes, Abril 16, 2026, iginiit ni Remulla na nananatili pa rin ang red notice kay Ang.
“Atong Ang has a Red Notice. He was spotted in Region 4-A two weeks ago. Nakita siya,” ani Remulla.
Dagdag pa niya, “We had follow-up operations. We missed him by a day.”
Ayon kay Remulla, patuloy na umiiwas sa awtoridad si Ang sa pamamagitan ng madalas na paglipat ng pinagtataguan.
“Apparently, he travels in a small group. Parang tatlo lang sila. Tapos palipat-lipat siya ng bahay every three days, four days, five days. Lipat na siya nang lipat all around the Philippines,” aniya.
Nilinaw din ng kalihim na bagama’t may mga naunang ulat na posibleng nakita si Ang sa Vietnam, nananatiling hindi beripikado ang naturang impormasyon. Sa ngayon, pinaniniwalaang nasa loob pa rin ng Pilipinas si Ang dahil walang kumpirmadong rekord ng kaniyang paglabas ng bansa.
Nahaharap si Ang at ilan pang indibidwal sa mga kasong kidnapping with homicide at kidnapping and serious illegal detention kaugnay ng pagkawala ng mga sabungero. Nauna nang itinanggi ni Ang ang mga paratang laban sa kaniya.
Humiling na rin ang mga awtoridad ng paglalabas ng Interpol red notice laban kay Ang. Ayon sa Interpol, ang red notice ay isang kahilingan sa mga law enforcement sa buong mundo upang hanapin at pansamantalang arestuhin ang isang indibidwal habang hinihintay ang extradition o iba pang legal na proseso.
May nakalaang ₱20 milyong pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na magreresulta sa pagkakaaresto ni Ang.
KAUGNAY NA BALITA: Kahit galing sa confidential funds: ₱20M pabuya sa kaso ni Ato Ang, wala raw Piattos!