Tila hindi napigilan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na saglit na magsagawa ng ehersisyong jumping jacks sa publiko upang ipakitang nananatili pa rin siyang malusog.
Ayon sa inilabas na video ng ABS-CBN News nitong Lunes, Abril 13, mapapanood ang biglang pagtalon-talon ng Pangulo kasabay ang pagbuka at pagtiklop ng kapuwa niya mga paa at braso.
Bago ito ng pormal niyang pag-aanunsyo sa Palasyo ng kaniyang pagsususpinde sa excise tax para sa Liquefied Petroleum Gas (LPG) at kersone.
Ani PBBM, hinahamon niya raw ang mga taong nagsasabing mayroon siyang sakit.
“I challenge anyone who are saying that I am sick,” pagsisimula niya.
Mungkahi niya, samahan siya ng mga tumutuligsa sa kaniyang kalusugan na sabayan siyang mag-ehersisyo at pumunta sa gym upang malaman kung sino pa ang mas malakas sa kanila.
“They come and exercise with me. We will see who’s stronger,” diin niya.
“You come to the gym with me. Tingnan natin kung sinong mas malakas bumuhat ng weight,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang isa ang kapatid niyang si Sen. Imee Marcos sa mga nagsasabing may dinaramdam siyang sakit.
Ayon sa inilabas na video statement ni Sen. Imee sa kaniyang Facebook page nito ring Lunes, sinabi niyang bagama’t matagal na umano silang hindi nagkikita ng kapatid, batid umano niyang may sakit ito.
“Ang alam ko lang, may sakit si Bongbong. 'Di ba November pa sinabi ko do'n sa harap ng ating mga kapatid na Iglesia na may problema. Dalawang buwan, sinugod na sa ospital ilang beses. Namayat na,” anang senador.
KAUGNAY NA BALITA: Siwalat ni Sen. Imee: 'May sakit si Bongbong!'
Agad naman na tumugon ang Palasyo kaugnay rito at kinuwesityon ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro si Sen. Imee na ito na rin daw mismo ang nagsabing hindi sila nagkikita ni PBBM kaya malinaw raw na “fake news” ang inihayag nito.
“Ano bang sinabi niya? Sinabi niyang hindi sila nagkikita, ‘di ba? So anong alam niya? So fake news ‘yan,” buwelta niya.
Pagtitiyak ni Castro, huwag na raw intindihin ng media ang mga fake news sa panahong kasalukuyan at mas paniwalaan ang mismong nakikita ng mga mamamahayag kapag nasama ang mga ito sa mga event na dinadaluhan ng Pangulo.
KAUGNAY NA BALITA: 'Fake news 'yan:' Usec. Castro, sinabing salot si Sen. Imee?