Usap-usapan ng mga netizen ang tila "shade" na advertisement post ng isang kilalang disinfectant spray matapos na tila sakyan ang naganap na pagtakbo at pagkadapa ni Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa, sa fire exit ng Senado noong Lunes, Mayo 11.
Matatandaang noong Lunes, biglang sumulpot si Sen. Bato sa Senado matapos ang halos anim na buwang hindi pagpasok sa sesyon, para bumoto nang "Yes" sa kudeta laban kay Sen. Tito Sotto III bilang Senate President, at ibinoto si Senate President Alan Peter Cayetano, matapos makakuha ng 13 majority votes.
Kumalat ang kuhang CCTV footage kung saan makikitang nakikipaghabulan si Sen. Bato sa mga umano'y agents ng National Bureau of Investigation (NBI) na nagtangka umanong dakpin siya, dahil sa warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay sa kasong crimes against humanity na kinahaharap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, dahil sa kaniyang war on drugs noong panahon ng kaniyang administrasyon.
Kinumpirma rin ng ICC na naglabas na rin sila ng arrest warrant laban sa senador noon pang Nobyembre 2025.
Maki-Balita: 'Legit!' ICC, kinumpirma arrest warrant laban kay Dela Rosa
Si Sen. Bato ay isa sa mga binanggit na co-perpetrator ni FPRRD sa madugong Oplan Tokhang upang supilin ang malawakang paggamit ng droga, sa unang taon ng kaniyang termino, bilang hepe ng kapulisan.
Mabalik sa naganap noong Lunes, kitang-kita sa CCTV footage ang pagkadapa ni Sen. Bato sa makipot na hagdanan sa fire exit ng Senado, subalit hindi naman siya nasukol.
Dahil dito, dumagsa ang iba't ibang memes kaugnay sa nangyari.
Kabilang sa mga nakisabay rito ang ads post ng nabanggit na disinfectant spray.
Mababasa sa kanilang patalastas na naka-post sa verified at official Facebook page, "Caught in the act trying to get a way! Give them nowhere to run with Lysol Disinfectant Spray. #LysolLinis."
Mababasa pa, "Germs can run, but can't hide."
Ang ginamit dito ay isang black and white na larawan ng isang makipot na hagdanan, na makikita ang ilang mga bakas ng footsteps at kamay sa bawat hagdan.
Agad naman itong naugnay ng mga netizen sa naganap na insidente sa Senado lalo't pamilyar na eksena raw ito.
Narito ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng netizens.
"Awardee for bravest marketing!!!"
"Throwing shade"
"Okay! Will use lysol naa haha"
"Raise the salary kung sinoman ang nakaisip nito hahaha."
Sa kabilang banda, may ilan din namang tila hindi nagustuhan ang pagkakagamit sa mga nangyari para sa patalastas na ito.
"Switch na ako ng brand."
"Sus, sobrang bias naman"
"kasi malamang sa malamang COOWNER ang FLOOD CONTROL MASTERMINDS dito hahhahha, malaki cguro ininvest. Thank you for letting us know! Opps, wag burahin ang ad baka masama pa to sa imbestigasyon."
"Gusto nyo ata ma bankrupt."
Samantala, wala namang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ni Dela Rosa kaugnay nito.