Pumanaw na ang isa sa mga pangunahing suspek sa 1994 Rwandan genocide na si Felicien Kabuga habang nahaharap sa paglilitis sa international court sa The Hague, Netherlands, ayon sa mga ulat ng international news outlets.
Kinumpirma ng International Residual Mechanism for Criminal Tribunals ng United Nations (UN) na namatay si Kabuga sa isang ospital noong Sabado, Mayo 16, na nasa edad 90.
Si Kabuga ay matagal na itinuring bilang isa sa most wanted fugitives sa buong mundo dahil sa umano’y papel nito sa pagpopondo sa madugong genocide sa Rwanda noong 1994, kung saan tinatayang nasa 800,000 katao ang napatay mula Abril hanggang Hunyo ng taong iyon.
Inakusahan si Kabuga bilang utak umano sa likod ng Radio-Television Libre des Mille Collines (RTLM), isang estasyon ng radyo na hinihikayat umano ang mga ethnic Hutu na patayin ang mga Tutsi gamit ang mga itak o machete.
Bukod dito, pinaniniwalaan din siyang namahagi ng mga machete sa mga grupong sangkot sa genocide at nag-utos umano ng pagpatay sa mga Tutsi.
Taong 2020 nang maaresto si Kabuga sa Paris matapos ang mahabang panahon ng pagtatago gamit ang iba’t ibang pekeng pasaporte at sa tulong umano ng network ng kaniyang mga dating kaalyado sa Rwanda.
Bago ito, nagtungo rin siya sa Switzerland noong Hulyo 1994 ngunit pinaalis makalipas lamang ang isang buwan. Lumipat din siya sa Kinshasa at kalaunan ay nagtago sa Kenya kung saan ilang beses din siyang nakaiwas sa pag-aresto.
Noong 2002, nag-alok pa ang United States ng $5 milyong reward para sa impormasyon na magdudulot sa kaniyang pagkakadakip.
Pagkatapos maaresto, inilipat siya sa The Hague at sinampahan ng kasong genocide, conspiracy to commit genocide, incitement to genocide, at crimes against humanity kabilang ang extermination at murder.
Mariing itinanggi ng kampo ni Kabuga ang mga paratang at sinabing isa lamang siyang negosyante na may maliit na papel sa RTLM. Iginiit din ng kaniyang mga abogado na wala siyang kinalaman sa pamamahagi ng machete at sa suportang ibinigay sa Interahamwe Hutu militia.
Nagpasok si Kabuga ng not guilty plea sa lahat ng kaso laban sa kaniya.
Noong 2023, ipinahinto ng mga hukom ang paglilitis matapos ideklarang hindi na siya physically at mentally fit upang makalahok nang maayos sa proseso ng paglilitis. Gayunman, nanatili siyang nakakulong habang hinihintay ang posibleng paglilipat sa bansang tatanggap sa kaniya.
Iniutos naman ni presiding judge na si Graciela Gatti Santana ang isang masusing imbestigasyon kaugnay sa naging sanhi at sitwasyon ng pagkamatay ni Kabuga.