Kumanta si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa hinggil sa kaniyang tunay na motibo sa pagbabalik niya sa Senado matapos lumiban nang kalahating taon dahil sa warrant of arrest na naghihintay sa kaniya mula sa International Criminal Court (ICC).
Matatandaang sangkot si Dela Rosa sa madugong giyera kontra droga sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyang nakapiit sa The Hague, Netherlands dahil sa kasong crimes against humanity.
Maki-Balita: 'Legit!' ICC, kinumpirma arrest warrant laban kay Dela Rosa
Sa latest episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” noong Linggo, Mayo 17, tampok ang one-on-one interview ng Kapuso award-winning journalist kay Dela Rosa ilang oras bago magkagulo sa Senado noong gabi ng Mayo 13.
Sa isang bahagi ng panayam, ipinalahad ni Soho kay Dela Rosa ang kuwento sa likod ng muli niyang pagsulpot sa Mataas na Kapulungan
Sabi ni Dela Rosa, “Tinawagan ako ng aking mga kasamahan na kailangan nandito ako sa Senado para sa botohan. Tagal ko na ring plano na mag-resurface dahil nga aside din sa change of leadership, alam ko may darating na impeachment trial.”
“Tapos pangatlo,” pagpapatuloy niya, “nahihiya na ako do'n sa mga pumupula sa atin na sige tayo sa tanggap ng sahod galing sa gobyerno, hindi naman nagtatrabaho. Nagtatrabaho naman tayo. ‘Yong opisina natin, nagpa-function. Pero absent nga lang tayo.”
Bukod dito, isiniwalat din ng senador kung sino ang tumawag sa kaniya para bumalik siya sa senado matapos tanungin hinggil dito.
“Si Sen. Alan Cayetano, ‘yong aming majority leader. [...] Pinasakay ako do’n sa van. Hindi ko alam kung kaninong van ‘yon. Basta sabi ni Sen. Alan, sumakay ka sa van,” saad ni Dela Rosa.
Ngunit ayon sa kaniya, wala raw siyang ideya na may mga naghihintay sa kaniyang pagbabalik.
Aniya, “Kung alam ko na may nag-aabang, hindi na ako papasok [...] Pagpasok ko do’n sa pintuan, sa gilid, may mga nakaupo, dalawang babae saka may mga lalaki. Akala ko mga staff lang ‘yon ng senador o kaya mga driver.”
“Pagdaan ko, tumayo sila. Hinarang ako. ‘Sir, sir. NBI kami!’ Hinawakan ‘yong braso ko. So, nagpumiglas ako. Pagpiglas ko, takbo na ako. Habulan na kami hanggang makarating ako sa session hall,” dugtong pa ni Dela Rosa.
Sa kasalukuyan, wala na ulit balita tungkol sa kinaroroonan ni Dela Rosa matapos magkagulo sa Senado noong Mayo 13. Isinailalim na rin siya ng Bureau of Immigration (BI) immigration lookout order upang mabantayan ang galaw niya.
Kaugnay na Balita: Sen. Bato, sinamantala gulo sa Senado para tumakas—Misis
Samantala, wala pa namang reaksiyon o pahayag si Cayetano sa sinabi ni Dela Rosa tungkol sa kaniya.