May 17, 2026

Home FEATURES Human-Interest

Desserts na ‘childhood core memory’ ng maraming Pinoy

Desserts na ‘childhood core memory’ ng maraming Pinoy
Photo courtesy: Pexels

Ang mga Pinoy ay kilala sa pagkakaroon ng “sweet tooth” dahil sa kanilang walang kapantay na hilig at pagmamahal sa matatamis na pagkain. 

Kaya kadalasan, makikita sa mga hapag na may mga nakagarapong kendi o chocolate, na mabilis nauubos dahil kaniya-kaniyang dukot dito ang mga miyembro ng pamilya pagkatapos kumain ng agahan, tanghalian, at hapunan, bilang “pampatanggal umay.” 

Dahil dito, narito ang ilan sa mga panghimagas na kinalakhan ng maraming Pinoy: 

Haluhalo

Isa sa mga pinakakilalang panghimagas, ang haluhalo ay kadalasang inihahain hindi lamang bilang pangtanggal umay, kung hindi pampawi na rin ng init mula sa maalinsangang panahon. 

Human-Interest

Totoo bang nagdudulot ng diabetes ang pagkain ng matatamis?

Depende sa rehiyon, ang haluhalo ay may iba’t ibang sahog, ngunit kadalasan, mayroon itong sorbetes, leche flan, saba, o kaya’y minatamis na monggo. 

Leche Flan 

Kadalasang parte ng mga malalaking handaan tuwing fiesta, ang Leche Flan ay patuloy na minamahal ng mga Pinoy dahil sa makrema nitong lasa, na mula sa mga sahog na itlog, gatas, at asukal, na hinuhulma at inihahain mula sa isang llanera. 

Buko Salad

Isa pa sa mga paboritong ihain sa mga handaan ay ang Buko Salad, na may mga pinaghaluhalong sahog tulad ng kinudkuod na buko, gatas, macapuno, mga prutas, at kaong. 

Kadalasan itong inihahain sa mga handaan katabi ng iba pang panghimagas tulad ng fruit salad, haluhalo, at leche flan. 

Mais con yielo

Isa sa mga itinuturing na variation ng haluhalo, ang mais con yielo ay ginagawa mula sa sangkap ng mais, gatas, at asukal, na kadalasang inilalagay sa isang malaking baso.

Maja Blanca 

Isang uri ng kakanin, ang maja blanca ay niluluto gamit ang ilang sangkap tulad ng gata, cornstarch, at asukal, na hinahalo hanggang sa mabuo ang mala-gelatin na tekstura. 

Ito rin pinapamudmuran ng latik upang o kaya’y keso. 

Yema

Bukod sa panghimagas, ang yema ay ginagawa ring merienda ng maraming bata dahil bukod sa hindi ito mahirap gawin, ang mga sahog lamang dito ay pula ng itlog, condensed milk, at mantikilya. 

Makikita rin ito sa maraming sari-sari stores na nakabalot ng makukulay na cellophane. 

Ube Halaya

Ang sikat na desert na ito ay gawa sa ube na niluto sa gatas, asukal, at banilya, at pinapamudmuran ng kinayod na buko o kaya’y latik. 

Sa kasalukuyan, umuusbong na rin ang kasikatan ng ube sa ibang bansa dahil bukod sa angkin nitong tamis,  “instagrammable” din ito para sa maraming kabataan.

Sorbetes

Kadalasang inihahain sa mango, chocolate, cheese, buko, at ube flavor, ang sorbetes ay gawa sa gatas ng kalabaw at makikita ring inilalako sa mga kalsada tuwing oras na ng merienda. 

Habang kadalasang inilalagay sa apa o kaya’y baso, may ilan ding kumakain nito na nakapalaman sa monay. 

Bukayo

Nagmula sa probinsya ng Pangasinan, ang Bukayo ay gawa sa laman ng buko na niluto sa asukal. 

Habang masarap itong inihahalo sa iba pang panghimagas, maaarin din itong ihain ng nakahiwalay matapos ang heavy meal. 

Sago’t Gulaman

Bukod sa panghimagas na inihahain sa mga hapag o kaya’y isinasama bilang “complimentary drink” sa ilang restaurant, ang sago’t gulaman ay nakikita rin sa mga kalsada tuwing oras ng uwian ng mga estudyante sa hapon bilang pampawi sa init at uhaw.