May 13, 2026

Home BALITA National

'Fake news 'yan:' Usec. Castro, sinabing salot si Sen. Imee?

'Fake news 'yan:' Usec. Castro, sinabing salot si Sen. Imee?
Photo courtesy: RTVM, Sen. Imee Marcos (FB)

Binuweltahan ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro si Sen. Imee Marcos dahil sa naging pagsisiwalat nitong may sakit umano si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. 

Matatandaan kasing tila ginatungan ni Sen. Imee nitong Lunes, Abril 13, ang mainit na usap-usapan tungkol sa kasalukuyang kalagayan ng kalusugan ng utol niyang si PBBM at sinabi niyang bagama’t matagal na umano silang hindi nagkikita ng kapatid, batid umano niyang may sakit ito.

“Ang alam ko lang, may sakit si Bongbong. 'Di ba November pa sinabi ko do'n sa harap ng ating mga kapatid na Iglesia na may problema. Dalawang buwan, sinugod na sa ospital ilang beses. Namayat na,” saad ni Sen. Imee.

KAUGNAY NA BALITA: Siwalat ni Sen. Imee: 'May sakit si Bongbong!'

Ayon naman naging pahayag ni Castro matapos ang isinagawa niyang press briefing nito ring Lunes, kinuwestiyon niyang si Sen. Imee na rin daw mismo ang nagsabing hindi sila nagkikita ni PBBM kaya malinaw raw na “fake news” ang inihayag ng senador. 

National

'Maghintay lang sila:' Sen. Bato, sumagot sa 5 senador na pinapasuko siya!

“Ano bang sinabi niya? Sinabi niyang hindi sila nagkikita, ‘di ba? So anong alam niya?” pagsisimula niya. 

Dagdag pa niya, “So fake news ‘yan.” 

Ani Castro, huwag na raw intindihin ng media ang mga fake news sa panahong kasalukuyan at mas paniwalaan ang mismong nakikita ng mga mamamahayag kapag nasama ang mga ito sa mga event na dinadaluhan ng Pangulo. 

“Huwag n’yo nang intindihin ‘yong mga fake news ngayon,” aniya. 

Saad pa niya, “Ang intindihin po natin kung ano ang nire-report ng mainstream media at kung ano po ang nakikita ninyo mismo sa  Pangulo kapag kayo po ay sumasama sa event ng Pangulo.” 

Pagpapatuloy ni Castro, huwag na raw hayaan pang lumawak ang mundo ng mga fake news peddlers dahil hindi na kailangan sa lipunan at salot daw ang mga ito. 

“‘Yong lamang po ang mas importante. Huwag na po nating palawakin ang mga fake news peddlers,” ‘ika niya. 

“Hindi po natin sila kailangan dito sa ating lipunan. Salot sila,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na direktang pahayag, tugon, o reaksyon si Sen. Imee kaugnay rito. 

KAUGNAY NA BALITA: ‘Maayos po siya!’ Palasyo, pinasinungalingan isyung may sakit si PBBM