“Parang iba ‘yong dating ng sinabi mo sa chat…”
Sa lipunan kung saan patuloy na umuusad ang teknolohiya, isa na sa importanteng paraan ng komunikasyon ang online chat o text messaging, na nagbibigay-daan sa mga tao magkaroon ng “real-time communication” kahit nasa magkaibang lugar o timezone pa.
Habang mas “convenient” o maginhawa ito para sa marami, lalo na sa oras na kinakain ng mga trabaho at gawain, ayon sa ilang pag-aaral ang pakikipag-usap online o text ay nagkukulang pa rin ng “human element” sa komunikasyon.
Ito’y dahil sa face-to-face o personal na pakikipag-usap, malinaw na makikita ang verbal cues ng isang tao, maging ang tono ng kaniyang boses, lakas nito, at body language.
Habang sa online o text, mga salita lang ang nababasa.
Kaya ang paggamit ng emojis ay isa sa itinuturong solusyon upang matugunan ang kakulangang ito dahil ito ang nagsisilbing representasyon ng emosyon sa likod ng mensaheng ipapadala.
Ayon pa sa ilang pagsasaliksik, ang emojis ay kadalasang ginagamit sa mga positibong mensahe, at hindi gaano sa mga malulungkot o kaya’y mga pagalit na mensahe.
Kaya sa kasalukuyan, ito ay naging parte na ng nakagawian sa online world, mapa-personal mang komunikasyon o professional setting.
Gayunman, katulad ng iba pang online messages, ang emojis ay posible pa ring magdulot ng hindi pagkakaintindihan depende sa gamot nito o interpretasyon ng taong pinagpadalhan nito.
Ito rin ay hindi palaging akma sa ibang setting tulad ng pormal na meeting o mas seryosong usapan, kaya ang paggamit nito’y posibleng makita bilang pambabastos o “unprofessional.”
Kaya ipinapayo sa iba’t ibang pag-aaral na bago gumamit ng emoji, maiging kilalanin ang kausap o kaya’y siguraduhing pamilyar na rito at balansehin depende sa konteksto ng mensahe upang mapanatili ang kalinawan nito.