May 22, 2026

Home FEATURES

Bakit hindi iisa ang selebrasyon ng Mother's Day at Stepmother's Day?

Bakit hindi iisa ang selebrasyon ng Mother's Day at Stepmother's Day?
Photo courtesy: Unsplash


Mayroon ka bang stepmother?

Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na hindi lahat ng relasyon—partikular na ang pagiging mag-asawa—ay tumatagal at yumayabong sa tagal ng panahon.

May iilang nakakaranas ng hindi magandang karanasan sa pakikipag-asawa, at sa ‘di inaasahan, hahantong din sa hiwalayan.

Pero sabi nga ng iba, everyone deserves a second chance—at kasama na rito ang pagmamahal.

Kaya ang nangyayari, nagiging mag-asawa ang dalawang tao kahit sila ay may anak na sa una nilang mga kabiyak, kung kaya’t tinatawag silang stepfather o stepmother.

Mga Pagdiriwang

Tuklasin: Mga kulturang weirdo at kakaiba pero ipinagdiriwang pa rin sa mundo!

Sa katatapos lamang na selebrasyon ng Mother’s Day noong Mayo 10, nabigyan nga rin ba ng pagkilala sa naturang kaganapan ang mga stepmother?

Sa katotohanan, may hiwalay na paggunita para sa stepmothers, at ito ay ipinagdiriwang sa sunod na Linggo ng Mother’s Day. Samakatuwid, Mayo 17 ang Stepmother’s Day ngayong taon.

Pero bakit kaya ganoon?

Ayon sa ibinahaging artikulo ng Detroit Mom, hiwalay ang mga ito sapagkat kadalasan ay hindi kinikilala ang mga stepmother tuwing Mother’s Day.

Lalo na sa mga sitwasyong may malaking kaugnayan pa rin ang biological mom ng mga bata, kadalasan ay maituturing umano silang “irrelevant.” 

Isa pa, madalas ay hindi itinuturing na “legal guardian” ng batas ang mga stepmother—kahit pa sila ay nagbibigay ng pagmamahal at aruga na gaya ng isang tunay na ina.

Ngunit gayunpaman, hindi naman ibig nitong sabihin na ganito ang sitwasyon sa lahat ng mga pamilyang mayroong stepmother.

Ang katotohanan, iba-iba pa rin ang “family structure” ng bawat isa.

Pero ang mahalaga, isang tanda ang paggunitang ito na kinikilala at ipinagdiriwang ang pagmamahal, aruga, at alagang ibinabahagi ng mga stepmother sa kanilang stepchildren—hindi man nila ito kadugo.