Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang suspensyon ng excise tax sa LPG at kerosene nitong Lunes, Abril 13, 2026.
Sa kaniyang press briefing nitong Lunes, inihayag niya ang pagsuspinde sa nasabing mga produkto sa pamamagitan umano ng kapangyarihang ibinigay sa kaniya ng batas.
“Sa ilalim ng kapangyarihan na ibinigay sa akin ng batas, tinanggal ko na ang excise tax sa LPG at sa kerosene,” ani PBBM.
Ayon sa Pangulo, maglalaro sa ₱3.36 ang mababawas sa kada kilo ng LPG na may katumbas na ₱37 ang halaga ng mababawas kada tangke.
Habang aabot naman sa ₱5.60 ang matatapyas sa kada litro ng kerosene.
Dagdag pa ni PBBM, “Ibig sabihin, mas mababa ang gastos sa pagluluto at sa pang araw-araw na pangangailangan ng bawat pamilya.”
Matatandaang noong Marso 25 nang lagdaan ni PBBM ang Republic Act No. 12316 na nagbibigay sa kaniya ng kapangyarihang magsuspinde o magtapyas ng excise tax sa presyo ng mga produktong petrolyo, kasunod ng pagsirit ng presyo nito sa pandaigdigang merkado dulot ng sigalot sa Middle East.
“The President may, upon the recommendation of the Development Budget Coordination Committee (DBCC), in coordination with the Secretary of Energy, suspend the imposition of or reduce the excise taxes on fuel under this Section when the average Dubai crude oil price based on Mean of Platts Singapore (MOPS) reaches or exceeds Eighty US dollars (USD 80) per barrel for one (1) month immediately preceding the issuance of the suspension or reduction order,” ayon sa batas.
Nakasaad din na ang anumang suspensyon o pagbabawas ng buwis ay maaaring tumagal ng hanggang tatlong buwan lamang.
“Provided, the power of the President to temporarily suspend or reduce the excise tax on petroleum products granted under this Section shall be exercised only until December 31, 2028,” anang batas.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, pirmado na batas na magsususpinde sa fuel excise tax!