Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang isang batas na nagbibigay sa pangulo ng kapangyarihang pansamantalang bawasan o ihinto ang pagpataw ng excise tax sa mga produktong petrolyo.
Batay sa Republic Act No. 12316, maaaring gamitin ng pangulo ang kapangyarihang ito kapag umabot o lumampas sa $80 kada bariles ang average na presyo ng Dubai crude oil sa loob ng isang buwan, batay sa Mean of Platts Singapore (MOPS), at sa rekomendasyon ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) at koordinasyon sa Department of Energy.
“The President may, upon the recommendation of the Development Budget Coordination Committee (DBCC), in coordination with the Secretary of Energy, suspend the imposition of or reduce the excise taxes on fuel under this Section when the average Dubai crude oil price based on Mean of Platts Singapore (MOPS) reaches or exceeds Eighty US dollars (USD 80) per barrel for one (1) month immediately preceding the issuance of the suspension or reduction order,” ayon sa batas.
Nakasaad din na ang anumang suspensyon o pagbabawas ng buwis ay maaaring tumagal ng hanggang tatlong buwan lamang.
“Provided, the power of the President to temporarily suspend or reduce the excise tax on petroleum products granted under this Section shall be exercised only until December 31, 2028,” anang batas.
Maaaring ipatupad ang hakbang sa piling uri ng produktong petrolyo, at maaaring buong suspensyon o bahagyang pagbabawas ng buwis ang gawin.
Ayon sa batas, awtomatikong babalik sa dating antas ang excise tax kapag bumaba sa ilalim ng $80 kada bariles ang average na presyo ng langis sa loob ng isang linggo matapos ang isang buwang monitoring, o kapag umabot na sa tatlong buwan ang implementasyon.
Inaatasan din ang pangulo na magsumite ng ulat sa Kongreso sa loob ng 15 araw mula sa paglalabas ng kautusan, at buwan-buwan pagkatapos nito, sa pamamagitan ng DBCC at Department of Energy (DOE).
“The report shall include a recommendation on whether the suspension or reduction of excise taxes should be maintained, modified, or lifted, and shall form part of the basis for any continued suspension or reduction,” ayon pa sa batas.
Samantala, inaatasan din ang mga kumpanya ng langis na magsumite ng buwanang ulat sa DOE hinggil sa cost components ng kanilang mga produktong ibinebenta habang umiiral ang suspensyon.
Batay sa datos ng DOE, posibleng umabot sa mahigit ₱130 kada litro ang diesel at lampas ₱100 kada litro ang gasolina sa huling linggo ng Marso, bunsod ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo dulot ng tensyon sa Middle East.