Naglunsad ng hiwalay at independent investigation ang Commission on Human Rights (CHR), sa pamamagitan ng tanggapan nito sa Negros Island Region, kaugnay ng armadong sagupaan noong Abril 19 sa Negros Occidental na ikinasawi ng 19 katao.
KAUGNAY NA BALITA: Human Rights advocates, nanawagan ng imbestigasyon sa operasyon ng militar kontra NPA sa Negros
Kabilang sa mga nasawi ang University of the Philippines Diliman student leader na si Alyssa Alano at Altermidya Network community journalist na si RJ Ledesma.
Sa inilabas na pahayag nitong Linggo, Abril 26, binigyang-diin ng CHR ang magkakaibang ulat hinggil sa pagkakakilanlan ng mga nasawi, at sinabing kinakailangang sumailalim ang mga ito sa masusing at patas na beripikasyon.
“While the Armed Forces of the Philippines (AFP) maintains that the casualties were members of an armed group, other organizations assert that some victims, including Alano and Ledesma, were civilians engaged in community work,” ayon sa CHR.
Ayon pa sa komisyon, ang pagtukoy sa estado ng mga nasawi, ang kalagayan ng kanilang pagkakasangkot, at ang proporsyon ng paggamit ng puwersa ay dapat ibatay sa beripikadong datos at due process.
“In case of doubt, persons shall be presumed civilians,” dagdag pa nito.
Nagpahayag din ng pangamba ang komisyon sa ulat na mahigit isang daang pamilya ang napilitang lumikas dahil sa insidente. Hinikayat nito ang mga awtoridad na magbigay ng sapat na tulong makatao, pigilan ang karagdagang displacement, at tiyakin ang access sa mahahalagang serbisyo alinsunod sa mga pamantayan ng karapatang pantao.
Nanawagan din ang CHR sa lahat ng panig na makipagtulungan sa imbestigasyon, pangalagaan ang mga ebidensya, at payagan ang malayang access sa mga kaugnay na impormasyon at lugar.
“This incident underscores the continuing human cost of armed conflict, particularly in marginalized communities such as those in Negros,” pahayag ng komisyon.
Iginiit pa ng CHR na ang pagtugon sa kahirapan, hindi pagkakapantay-pantay, at mga usapin sa lupa ang susi sa pangmatagalang kapayapaan, kasabay ng ganap na paggalang sa karapatang pantao at International Humanitarian Law.
MAKI-BALITA: Nadamay na student-leader at local journalist sa engkwentro ng militar vs NPA, umani ng mga reaksyon sa netizens!