Nanawagan ang Human Rights Advocates of Negros ng isang masusing imbestigasyon kaugnay sa sinasabing engkwentro sa Toboso noong Abril 19, 2026 na ikinamatay ng 19 na indibidwal na iniuugnay sa New People’s Army (NPA).
Ayon sa grupo, inihahanda na nila ang mga dokumentong isusumite sa Commission on Human Rights (CHR) upang pormal na hilingin ang pagsisiyasat sa insidente.
Isa sa mga nasawi ay si RJ Ledesma, 30-anyos, na isang manunulat at editor ng Paghimutad-Negros at regional coordinator nito sa Negros Island. Tubong Bacolod City si Ledesma.
KAUGNAY NA BALITA: Nadamay na student-leader at local journalist sa engkwentro ng militar vs NPA, umani ng mga reaksyon sa netizens!
Iginiit naman ng Kadamay-Negros na hindi kasapi ng NPA si Ledesma. Ayon kay Berlita Ante, pangulo ng grupo, aktibo umano ito sa pagtulong sa mga maralitang sektor.
“Sa totoo lang, si RJ ay masipag at tumutulong sa urban poor. Sa panahon na gustong tabunan ang dagat sa Banago, si RJ ang aming tinatawag,” ani Ante.
Sinabi rin ni Noli Rosales, secretary general ng KMU-Negros, na may mga katanungan umano sa mga ebidensya laban sa mga nasawi.
“Ang isang journalist, lalagyan ng pouch o bandolier? Ang N79 ipinatong lang. Iyan pa lang dapat may immediate investigation. Parang collateral damage lang ang ating mga kabataan,” aniya sa panayam sa media.
Sa panig naman ng Philippine Army, kinuwestiyon nito ang mga ulat na ang mga nasawi ay pawang mga sibilyan lamang gaya ng mga mananaliksik, mamamahayag, lider-estudyante, at social worker.
“Recent claims circulating on social media that those killed in the encounter in Toboso, Negros Occidental were merely researchers, journalists, student leaders, and social workers - and that the Philippine Army violated human rights and International Humanitarian Law - deserve closer scrutiny rather than outright acceptance,” ayon sa kanilang pahayag.
Dagdag pa ng militar, mahalagang masagot kung bakit umano may armas ang mga nasawi at nakipagbakbakan sa mga sundalo.
“While any loss of life is deeply concerning and warrants proper investigation, it is also important to address a fundamental question: Bakit sila nasa mismong encounter site, armado, at nakikipagbarilan sa mga sundalo?” saad pa sa pahayag.
Ayon sa ulat, siyam na sa mga nasawi ang nakilala na at nakuha na ng kanilang mga pamilya ang kanilang mga labi.
Patuloy ang panawagan ng iba’t ibang grupo para sa isang independiyenteng imbestigasyon upang malinawan ang tunay na nangyari sa nasabing engkwentro.