Ibinahagi ni Ian Kamangkang, o mas kilala bilang “Pitik Queen,” ang naranasang pang-aapi ng mga kapuwa niyang bata dahil sa gender niya.
Sa latest episode kasi ng “Toni Talks” nitong Linggo, Abril 12, inusisa si Ian tungkol sa uri ng buhay na mayroon siya sa South Cotabato kung saan siya nagmula.
Aniya, “From grade one to grade six, may nangbu-bully na sa akin dahil sa aking gender. Mostly ang sinasabi, kapag naglalakad ako sa daan papuntang school, ‘Bakla! Bakla!’”
Pero dinededma lang umano niya ang mga panlalait na ito.
“Bahala kayo diyan. Wala naman akong ginagawang kasalanan sa inyo. Ito ako. Bading ako,” dugtong pa ni Ian.
Gayunman, kahit naiiba sa karaniwan ang kaniyang kasarian, wala naman umano itong problema sa kaniyang ama.
“Kasi apat kaming beki sa bahay,” natatawang sabi ni Ian. “Seven kaming magkakapatid. Dalawa ‘yong straight na lalaki. Isang babae, apat na beki.
Matatandaang sumikat si Ian sa social media dahil sa estilo ng sayaw niya na kung tawagin ay “pitik with soft moves” sa indayog ng “Hawak mo ang Beat.”
Sa sayaw na ito, ang kailangan lang gawin ng gustong sumabay ay itaas ang kamay habang ang isa ay nakalagay sa tenga at ipitik-pitik ang bewang.