Nasawi ang isang dalagitang turista sa China matapos mahulog mula sa isang “cliff swing” ride makaraang umano’y balewalain ang kaniyang babala na hindi mahigpit ang pagkakatali ng kaniyang safety rope.
Sa pahayag ng municipal government ng Huaying sa Sichuan province, sinabi na nasugatan ang naturang turista habang sakay ng cliff swing ride sa Maliuyan Expedition Park. Subalit, ilang oras matapos ang aksidente, nakumpirmang idineklarang dead on arrival ang biktima habang isinusugod sa ospital.
Ayon sa mga awtoridad, ang insidente ay isang “production safety liability accident” dahilan upang ipasara ang naturang parke.
Matatagpuan ang swing ride sa isang platform malapit sa talon na may taas na 168 metro ang lalim ng bangin.
Pinaniniwalaang nasa edad 16 hanggang 17 taong gulang ang biktima. Sa kumalat na video online, makikitang nakasuot siya ng safety helmet habang nakakabit sa ilang safety ropes.
Habang nasa gilid ng platform, ilang beses umanong sumigaw ang biktima ng “not tied tightly,” ngunit itinulak pa rin siya ng isang worker upang simulan ang ride.
Makalipas lamang ang halos dalawang segundo, bumitaw umano ang isang safety button sa ibabaw ng kaniyang ulo dahilan upang tuluyan siyang mahulog sa bangin.
Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng aksidente.
Samantala, inanunsyo ng Maliuyan Expedition Park sa social media na pansamantala itong magsasara dahil sa “force majeure.” Ayon sa parke, nagsasagawa sila ng safety inspection sa kanilang mga kagamitan upang matiyak ang kaligtasan ng mga turista.
Ayon naman pa sa mga ulat, noong Marso lamang inilunsad ang naturang cliff swing ride. May ilang netizens ding nagsabing nakararanas umano ng matinding pakiramdam ng weightlessness habang sakay nito.
May umiiral nang mandatory standards ang State Administration for Market Regulation ng China para sa cliff swings kabilang ang disenyo, paggawa, pag-install at pamamahala ng mga naturang rides. Nagsimulang ipatupad ang mga panuntunan noong Marso ng nakaraang taon.