Nanindigan si Iran Supreme Leader Mojtaba Khamenei na ipagpapatuloy ng Iran ang bagong yugto ng mahigpit na kontrol sa Strait of Hormuz sa kabila ng umiiral na tigil-putukan sa United States (US).
Ayon kay Khamenei, hindi nila isusuko ang pamamahala sa nasabing mahalagang lagusan ng pandaigdigang kalakalan, na dinadaanan ng tinatayang 20% ng suplay ng langis sa buong mundo. Dagdag pa niya, bahagi umano ito ng soberanya at seguridad ng Iran sa rehiyon.
Matatandaang inanunsyo ng Iran ang muling pagbubukas ng Strait of Hormuz matapos ang kasunduan sa ceasefire sa pagitan ng Tehran at Washington, kasunod ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan nitong mga nakaraang buwan.
MAKI-BALITA: Iran nagpasalamat sa Pakistan, bubuksan Strait of Hormuz ng 2 linggo!
Ang Strait of Hormuz ay itinuturing na isa sa pinakamahalagang chokepoints sa mundo ng enerhiya, dahil nag-uugnay ito sa Persian Gulf at sa Gulf of Oman. Karamihan sa langis mula sa mga bansang tulad ng Saudi Arabia, United Arab Emirates, at Kuwait ay dumaraan dito patungo sa pandaigdigang merkado.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Bakit mahalaga ang ‘Strait of Hormuz’ sa bentahan ng langis ng mga bansa?
Sa gitna ng sitwasyon, nagbabala ang ilang eksperto sa ekonomiya at enerhiya na ang anumang restriksyon o dagdag-singil sa pagdaan ng mga barko ay maaaring magdulot ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, na posibleng makaapekto sa mga bansang umaasa sa imported na langis.
Sa ngayon, patuloy na mino-monitor ng iba’t ibang bansa at international organizations ang sitwasyon sa Strait of Hormuz, habang nananatiling kritikal ang papel nito sa katatagan ng suplay ng enerhiya sa buong mundo.
Samantala, nagbabala si United States (US) Vice President JD Vance sa bansang Iran sakali raw na tangkain nitong paglaruan sila sa kanilang pakikipagnegosasyon para tapusin ang giyera.
“If they’re gonna try to play us, then they’re going to find that the negotiating team is not that receptive,” saad niya
KAUGNAY NA BALITA: 'If they’re gonna try to play us:' US VP JD Vance, may babala sa Iran