Nagbigay ng mensahe si Senate President Alan Peter Cayetano matapos siyang mahalal bilang bagong Senate President kasunod ng mga batikos ukol sa kaniyang kakayahang pamunuan ang Senado.
Sa isang pahayag nitong Huwebes, Mayo 14, 2026, sinabi ni Cayetano na matagal na siyang nakararanas ng pagdududa mula sa ibang tao ngunit nananatili raw ang kaniyang pananampalataya at determinasyon sa pagtupad sa kaniyang tungkulin.
“My whole life people doubted me, but God does not doubt me,” ani Cayetano.
“So I’ll do my best, if my best is good enough for everyone, thank you,” dagdag pa niya.
“If not, there are 23 other senators to choose from,” saad pa ng bagong Senate president.
Matatandaang noong Lunes, Mayo 11 ay nagkaroon ng malaking pagbabago sa liderato ng Senado matapos mapatalsik si Sen. Tito Sotto III bilang Senate president at italaga si Cayetano sa puwesto sa pamamagitan ng isang leadership coup na sinuportahan ng mayorya ng mga senador.
Sa talumpati ni SP Cayetano sa sesyon ng Senado noong Lunes, Mayo 11, pinagbalik-tanaw niya ang mga kapuwa senador dalawang dekada ang nakalilipas.
“Ngayon lang naman po tayo may division, e, dahil mabigat ang politika. Pero actually, we worked together,” saad ni Cayetano.
Pagpapatuloy niya, “Can we go back to twenty years from now and let me tell you what I told the group last night, no'ng nag-meeting kami. Basta lahat ng gagawin natin, huwag tayong magsisisi. Huwag tayong gagawa ng pagsisihan natin.”
KAUGNAY NA BALITA: Cayetano sa mga kapuwa senador: 'Feel free to call me out!'
Dahil sa naturang reorganisasyon, idineklarang bakante ang lahat ng posisyon sa Senado kabilang ang mga committee chairmanships, na naging dahilan din ng pagkansela ng ilang pagdinig ng mga komite.
Ang pahayag ni Cayetano ay inilabas sa gitna ng mga usapin at kritisismo hinggil sa kaniyang kapasidad na pamunuan ang Senado matapos ang kontrobersyal na pagpapalit ng liderato sa mataas na kapulungan ng Kongreso.