Maliban sa kusina, kuwarto, salas, at sa kubeta, isa na rin sa mga pinakamahalagang parte ng bawat tahanan ay ang hagdanan.
Importante ang mga hagdanan sa mga kabahayan, lalo kung lampas ito sa isang palapag.
Batay sa karaniwang gamit nito, epektibo ang hagdanan sa pag-akyat panaog ng mga tao, gamit, at iba pa.
Pero base sa iba’t ibang artikulo, maraming klaseng hagdanan ang pagpipilian, depende sa disensyo at gamit nito!
Ayon sa artikulong nakalathala sa pahinang Lapeyre Stair, mayroong iba’t ibang klase ng hagdanan na may dulot na benepisyo sa mga gagamit nito.
STRAIGHT STAIRS
Ito ang karaniwang klase ng hagdanang ginagamit sa mga kabahayan.
Batay sa artikulo, maganda ang ganitong klase ng hagdanan sapagkat simple ito, at hindi na kinakailangan pa ng komplikadong materyales upang buuin.
Dahil dito, hindi masakit sa bulsa ang pagtatayo ng straight stair sa isang bahay.
Madali rin daw umakyat-baba ang tao kung ganito ang uri ng hagdanan.
L-SHAPED STAIRS
Ayon sa artikulo, ang L-shaped stairs ay isang klase ng hagdanan kung saan makikita ang isang “90-degree turn” matapos ang landing ng mga baitang.
Madalas din daw itong gamitin sa mga residential at commercial buildings, na siyang agaw-eksena madalas dahil sa dalang “aesthetic” nito.
Epektibo rin daw ito sapagkat nakasandal ito sa isang pader, kung kaya’t hindi problema ang katatagan ng naturang hagdanan.
U-SHAPED STAIRS
Kung 90-degree turn ang L-shaped stairs, 180 degrees naman ang sa U-shaped stairs.
Anang source, maliit lamang daw ang espasyong ginagamit ng ganitong klase ng hagdanan, kung kaya’t maganda itong gamitin sa mga kabahayan.
Isa pa, “appealing” din daw ang disensyo ng U-shaped stairs, gaya ng L-shaped stairs kung ikukumpara sa straight stairs.
CURVED STAIRS
Hindi gaya ng mga naunang klase ng hagdanan, walang landing ang curved stairs.
Samakatuwid, sumusunod lamang ang mga baitang at handrail nito sa “bend” ng disensyo nito.
Dahil sa hitsura nito, may angkin itong “architectural statement,” na swak sa residential at commercial buildings.
SPIRAL STAIRS
Isa sa adbentahe ng spiral stairs ay ang “compact” nitong disensyo.
Dahil dito, talagang makakatipid sa espasyo ang siyang gagamit nito.
Maliban sa mga tahanan, makikita rin ang ganitong klase ng hagdanan sa beach houses, city lofts, at maging sa residential buildings.
CIRCULAR STAIRS
Batay sa pangalan nito, pabilog o paikot ang disensyo ng circular stairs.
Gaya ng curved stairs, may design statement din ang ganitong uri ng hagdanan, na pasok talaga sa residential at commercial buildings.
“Graceful” kung gamitin ang ganitong klase ng hagdanan, at maaari ding gamitin upang bumuo ng isang architectural focal point.
Kung ikukumpara sa spiral staircase, lubhang mas madali rin daw itong gamitin sa pagbaba at pag-akyat.
Ano pa man ang uri o klase ng hagdanan, ang mahalaga ay sapat ang tatag nito upang tiyakin na ang gagamit ay hindi maaaksidente at mapapahamak.
Sa matatag at swak na hagdanan, siguradong safe ang kabahayan.