May 21, 2026

Home FEATURES Human-Interest

Oro, Plata, Mata: Pamahiin sa pagpapagawa ng hagdan at hagdanan

Oro, Plata, Mata: Pamahiin sa pagpapagawa ng hagdan at hagdanan
Photo courtesy: Unsplash

May pamahiin pala sa simpleng pagpapagawa ng hagdan at hagdanan sa loob ng isang bahay o gusali?

Tinatawag itong "Oro, Plata, Mata."

Ang “oro, plata, mata” ay isang kilalang pamahiin sa Pilipinas na madalas ginagamit sa bilang ng baitang o hakbang ng hagdanan kapag nagpapagawa ng bahay. Hindi pala basta-basta!

Ang ibig sabihin ng mga salita:

Oro – ginto o kasaganaan

Human-Interest

‘Okay ka lang?’ Mga paraan upang ‘mangumusta’ sa kaibigan o katrabaho

Plata – pilak o kabuhayan

Mata – kamalasan, kamatayan, o negatibong pangyayari

Paano ito ginagawa?

Binibilang ang bawat baitang ng hagdan nang paulit-ulit sa pattern na: Oro–Plata–Mata. Iniiwasang matapos sa "Mata" dahil sinasabing nagdadala ito ng malas o problema sa tahanan.

Kaya naman maitutuwing na suwerteng bilang ng hagdan ang:

Oro: 1, 4, 7, 10, 13…

Plata: 2, 5, 8, 11, 14…

Iniiwasan naman ang 3, 6, 9, 12… dahil “Mata” ang bagsak dahil sa kamalasang puwedeng dalhin nito. 

May batayan ba ito?

Wala itong siyentipikong basehan at bahagi lamang ito ng kulturang Pilipino at tradisyunal na paniniwala sa bahay at konstruksyon.

Gayunman, marami pa rin ang sumusunod dito bilang paggalang sa nakasanayan o para sa “peace of mind” ng pamilya.

Sabi nga, wala namang masama kung susundin, hindi ba?

PAGKAKAIBA NG HAGDAN AT HAGDANAN

Sa unang tingin, ordinaryong bahagi lamang ng bahay ang hagdan at hagdanan. Ginagamit ito upang makarating sa ikalawang palapag, umakyat sa silid, o bumaba patungo sa pintuan. Ngunit sa mas malalim na pagtingin, higit pa sa kahoy, bakal, o semento ang bumubuo rito. Ang bawat baitang ay tila may kuwentong nakaukit—mga alaala ng pag-akyat, pagbagsak, pangarap, at pagbangon.

Ayon sa pagpapakahulugan ng Komisyon sa Wikang Filipino o KWF, ang hagdan ay tumutukoy sa bawat baitang na dinaraanan para sa pag-akyat at pagbaba. Ito ang inaapakan ng sinuman paakyat, puwede ring upuan kung napagod na.

Halimbawa: Napagod ako sa bawat pagtapak sa hagdan paakyat.

Ang hagdanan naman o staircase o stairway ay dako ng isang bahay o gusali na kinaroroonan ng hagdan, o kabuuan nito, kasama na ang hawakan sa magkabilang gilid mula sa magkabilang dulo.

Halimbawa: Enggrande ang mahaba at maluwag na hagdanan na nasa gitna ng mansyon.

Sa maraming tahanang Pilipino, ang hagdanan ay hindi lamang daanan kundi saksi sa takbo ng buhay ng isang pamilya. Dito unang natutong umakyat ang isang bata habang mahigpit na nakahawak sa rehas. Sa hagdan ng hagdanan, madalas maupo ang isang anak habang naghihintay sa pag-uwi ng magulang mula sa trabaho. Sa mga lumang bahay, ang hagdanan ay tila taguan ng katahimikan—isang sulok kung saan maaaring maupo sa hagdan nito at magnilay.

Kapag may handaan, nagiging bahagi rin ito ng kasiyahan. Nilalagyan ng dekorasyon tuwing Pasko, minsan ay ginagawang upuan ng mga batang nagkukuwentuhan ang mga hagdan, at kung minsan nama’y nagsisilbing entablado ng masasayang litrato ng pamilya. Ngunit sa kabila ng masasayang alaala, naroon din ang mga tahimik na sandali. May mga hagdang dinaanan ng mga paa ng taong unti-unti nang tumatanda, at may mga baitang na minsang tinambayan ng isang taong ngayo’y alaala na lamang.

Sa kulturang Pilipino, malalim din ang simbolismo ng hagdan. Madalas itong iugnay sa pag-angat sa buhay. Kapag sinabing “umaakyat sa hagdan ng tagumpay,” nangangahulugan itong unti-unting naaabot ng tao ang kaniyang mga pangarap sa pamamagitan ng pagsisikap at tiyaga. Hindi man madali ang bawat hakbang, mahalaga ang pagpapatuloy kahit mabagal.

May kasabihang “dahan-dahan sa pag-akyat upang hindi madapa.” Paalala ito na sa buhay, hindi kailangang madaliin ang tagumpay. Tulad ng hagdan, bawat baitang ay may tamang hakbang. Kapag nilaktawan, maaaring mawalan ng balanse.

Sa mga paaralan, simbahan, gusali, at maging sa lansangan, iba’t ibang uri ng hagdanan ang makikita. May matataas, makipot, paikot, at minsan ay tila walang katapusan. Ngunit anuman ang itsura nito, iisa ang layunin—ang dalhin ang tao sa panibagong antas o destinasyon.

Maging sa panitikan at pelikula, madalas gamitin ang hagdan bilang simbolo ng pagbabago. Ang pagbaba sa hagdan ay maaaring sumisimbolo ng paglayo o pagbagsak, habang ang pag-akyat naman ay tanda ng pag-asa at bagong simula. Kaya naman hindi nakapagtatakang maraming eksena sa pelikula ang nagiging mas makapangyarihan kapag sa hagdanan nagaganap—sapagkat may emosyon itong kaakibat na madaling maunawaan ng tao.

Sa huli, ang hagdan at hagdanan ay hindi lamang bahagi ng estruktura ng isang bahay o gusali. Isa itong paalala na ang buhay ay binubuo ng maraming hakbang.

May mga pagkakataong mabagal ang pag-akyat at may mga sandaling kinakailangang huminto upang magpahinga. Ngunit gaya ng bawat hagdan, mahalaga ang pagpapatuloy.

Maki-Balita: Hakbang sa katotohanan: Anong pagkakaiba ng hagdan at hagdanan?