Sa kasalukuyan, kabi-kabilang tensyon ang nagaganap—mula sa girian ng mga bansa, ng iba’t ibang kulay sa politika, interes at kapangyarihan, at maging sa buhay ng bawat indibidwal.
Hindi maikakailang sa gitna ng karahasan, kaguluhan, at kawalan ng kapayapaan, kaduda-duda na ang ideyang sapat nga ba ang kabutihan upang makapamuhay nang maayos at masaya sa mundo.
Dahil dito, namumutawi ang katanungang sulit pa bang maging mabuti at disente sa kasalukuyang mundo?
Ayon sa Mayo Clinic Health System, maraming mabuting epekto ang pagiging mabuti hindi lamang sa sarili, kung hindi maging sa kapwa.
Paliwanag ng Mayo Clinic, hindi lamang pag-uugali ang kabutihan at pagiging disente, isa itong kalidad ng pagiging ikaw na maaaring pagbutihin sa paglipas ng panahon.
Anito, simple lamang ang pagiging mabuti, libre, at nakakatulong sa kalusugan.
Batay sa source, napapababa nito ang blood pressure at cortisol sa katawan—na siyang maiuugnay sa stress na nararanasan ng tao.
Liban dito, nakakahawa raw ang kabutihan, kung kaya’t maganda ang impluwensiya nito sa iba.
Pagsiwalat pa ng artikulo mula sa naturang klinika, pinahuhusay din nito ang kaisipan ng isang tao.
“Physiologically, kindness can positively change your brain by boosting levels of serotonin and dopamine. These neurotransmitters produce feelings of satisfaction and well-being, and cause the pleasure and reward centers in your brain to light up. Endorphins, your body's natural painkiller, also may be released when you show kindness,” mababasa sa artikulo.
Natural ba ang kabutihan sa mga tao?
Batay sa mga pag-aaral, ang kabutihan ay parehong natural at naaaral (nature vs nurture).
Ayon sa isang ulat mula sa United Nations Educational Scientific and Cultural Organization (UNESCO), ang kabutihan ay mayroong “evolutionary basis.”
“Babies are naturally empathetic and kind. For example, toddlers have been shown to help adults, without being asked, whether their parents are in the room or not, and even without being thanked,” anang pag-aaral.
Sa kabilang banda, may isa namang pag-aaral na nagsasabing ang mga tao ay pinanganak upang maging mabuti sa isa’t isa.
“It rearranged our social structures, building cooperative networks of caretaking, and it rearranged our nervous systems. We became the super caregiving species, to the point where acts of care improve our physical health and lengthen our lives. We are born to be good to each other,” batay sa pag-aaral ng propesor na si Dacher Keltner.
Malinaw na maraming pag-aaral ang nag-uudyok sa mga tao na ipalaganap ang kabutihan—isang bagay na simple at libre ngunit labis na makatutulong sa nakararami.