“Nako, work from home ka? Edi petiks ka lang?”
Maraming nagsasabi na madali lang buhay ng mga manggagawa na naka-work from home setup dahil bukod sa iwas-traffic, hindi na kailangang ma-haggard at makipagsiksikan pa sa mga pampublikong sasakyan o kaya’y gumastos sa magagandang outfit.
Bagama’t lumalabas sa iba’t ibang pag-aaral na nakatutulong ang work from home setup upang makapagbawas ng gastusin, partikular sa pamasahe o kaya’y pagbili ng pagkain sa labas, ito ay mayroon ding mga pagsubok.
Una na rito ang isolation o kakulangan ng koneksyon mula sa mga katrabaho at ang pakikisamang dala nito, na posibleng makaapekto sa work performance at productivity.
Nakita rin na madalas nagiging pagsubok ng work from home employees ang komunikasyon, dahil sa pagbagal ng kanilang internet connection.
Dahil na rin madalas na nasa bahay o kaya’y nasa kwarto ang isang work from home employee, mas mataas ang tyansa nitong ma-distract dahil sa pagiging pamilyar sa kaniyang paligid.
Ilan dito ay pagiging distracted sa alagang hayop, ingay mula sa TV o radyo, o kaya’y pagkausap ng mga kaanak na kasama sa bahay.
Habang ang flexibility ng trabaho ay isa sa itinuturing na “advantage” sa ganitong setup, posible ring magkaroon ng malabong “work-life” boundaries dahil minsan, inaasahan na palaging online ang manggagawa kung siya ay nagtatrabaho mula sa bahay o saan mang lugar na wala sa opisina.
Ang pagkakaroon ng malabong “work-life” ay malaking panganib ng burnout.
Panghuli, dahil sa paniniwalang mas madali ang work from home setup, malaki rin ang posibilidad ng “work overload” o pagpapatong-patong ng mga responsibilidad sa trabaho.
Kaya mahalagang tandaan na anumang work setup, work from home man ito o sa opisina, walang trabahong madali, dahil lahat ito ay may kaakibat na responsibilidad na kailangang gampanan ng maayos.