May 22, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

KILALANIN: Kapuso artist na rumaratsada na rin sa mundo ng VA!

KILALANIN: Kapuso artist na rumaratsada na rin sa mundo ng VA!
Photo courtesy: Elle Ramirez (IG)

Sa likod ng mga ilaw, camera, at glamor ng showbiz, may mga artistang tahimik na humaharap din sa personal na laban—at isa na rito si Kapuso actress Elle Ramirez.

Sa eksklusibong panayam ng Balita, kasabay ng pagdiriwang ng National Virtual Assistant Day ngayong Mayo 15, ibinahagi ni Elle kung paano nagbukas ng panibagong oportunidad sa kaniya ang mundo ng pagiging VA noong kasagsagan ng pandemya.

Anim na taon na ang nakalipas nang tumigil ang maraming produksyon sa telebisyon dahil sa Covid-19 pandemic. Tulad ng maraming manggagawa sa entertainment industry, kasama si Elle sa mga naapektuhan ng pagtumal ng mga showbiz project. Ngunit sa halip na sumuko, ginamit niya ang panahong iyon upang matuto ng bagong kakayahan.

“Six years ago we were stuck with the pandemic. So nung time na 'yon nag aaral lang ako ng video editing for my own thing. Gusto ko lang mag vlog, gusto ko lang mag YouTube, alam mo 'yon out of boredom,” kuwento niya.

Ngunit kalaunan, naging mas seryoso ang kaniyang pagpasok sa online work.

Mga Pagdiriwang

Tuklasin: Mga kulturang weirdo at kakaiba pero ipinagdiriwang pa rin sa mundo!

“Kailangan ko din naman kumita ng online kasi we don't have any projects sa showbiz during that time,” dagdag pa niya.

Aminado si Elle na malaking adjustment ang paglipat mula sa pag-arte patungo sa freelancing at pagiging VA.

“Yung transition, medyo iba. Kasi in showbiz, I was in front of the camera. I was the one acting. But what I do now with the freelancing business that I have, I'm always behind the scene,” ani Elle.

Ngunit para sa kaniya, naging kapana-panabik ang bagong yugto ng kaniyang karera dahil nagamit niya rin ang mga natutuhan niya sa entertainment industry.

“It's really satisfying in my part, kasi nga basically sa showbiz pa lang nakikita ko na both sides. Nagkataon lang na ako yung nasa harap ng camera. But I also see the people behind the scene,” saad niya.

“Naa-apply ko sila ngayon kung paano yung creative process na ginagawa para mabuo yung isang project. So yun, para sa akin it was a very exciting transition. Kumbaga nag-intertwine sila, yung both worlds.”

Sa kaniyang pagbabalik-tanaw, inamin ni Elle na hindi naging madali ang kaniyang karanasan sa showbiz. Sa kabila ng mga papuri at paghanga ng publiko, dumaan din siya sa quarter life crisis.

“I was an actress even before. Sa totoo lang, being an actress hindi siya puro bliss and glamour. There's a lot of struggles,” aniya.

“Yeah, nakikita kami na parang nakaayos. Artista, hinahangaan, ‘ang galing mo.’ Andaming praises pero during the time na ginagawa ko yun sa showbiz I have a quarter life crisis. Na parang feeling ko hindi nag-grow yung career ko,” saad pa ni Elle.

Emosyonal din niyang ibinahagi kung paaano nagbukas ang pinto para sa kaniya at sa kaniyang pamilya bilang isang VA.

“And then nag-transition sa VA... Nakita ko yung progress hindi lang sa buhay ko, but pati sa family ko kasi I'm a breadwinner that's why ganun yung eagerness ko.”

“When it comes to financial struggles ko before, sobrang layo na.”

Sa kabila ng tagumpay niya sa freelancing, hindi pa rin tuluyang binitawan ni Elle ang pag-arte.

“Kasi siguro dahil it's my first love. Sometimes it's not always about money. Of course it's important, kasi hinahanap mo yung passion mo,” pahayag niya.

“Nandoon pa rin yung inner child in me.”

Patuloy pa rin umano siyang tumatanggap ng acting projects habang pinapalawak ang kaniyang freelance career—patunay na maaaring pagsabayin ang passion at praktikalidad.

Para naman sa mga nais pasukin ang pagiging VA, nagbigay rin ng payo si Elle. Aniya, hindi madaling makapasok sa industriya at kailangan ng matinding tiyaga at tibay ng loob.

“Ang hindi kasi nakikita ng iba is yung struggle bago marating yun. Hindi kasi talaga parang it will just land on your lap na isang client biglang one time big time,” saad niya.

“Ihanda ang sarili, life skills kasi it's about grit. Hindi siya madali, you have to be resilient, you have to be comfortable with rejection.”

Samantala, sa gitna ng mainit pa ring debate hinggil sa pagpapataw ng tax sa mundo ng freelancing, ibinahagi ni Elle ang kaniyang tindig patungkol dito.

“That's our responsibility as a citizen na nandito tayo sa bansang 'to. Gusto rin naman nating maayos yung bansang 'to so might as well do our part,” ani niya.

“Kahit VA tayo, mag-contribute tayo sa pag-iimprove ng Pilipinas.”

Sa paglipas ng panahon, pinatunayan ni Elle Ramirez na ang tagumpay ay hindi lang nasusukat sa kasikatan o kinang ng kamera. Minsan, ito rin ay makikita sa tapang na magsimula muli, matuto ng bagong kakayahan, at patuloy na mangarap—sa harap o likod man ng camera.