Nakatikim ng maaanghang na salita mula kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III si National Police Commission (NAPOLCOM) Commissioner Ralph Calinsan.
Ito ay matapos umanong ipahiya ni Calinisan sa publiko ang isang pulis na nanulak ng kasabay nitong motorista sa daan.
Sa latest Facebook post ni Torre nitong Biyernes, Mayo 15, sinabi niyang hindi dapat maging daan ang NAPOLCOM para sa trial by publicity at premature judgement.
“Atty. Ralph Calinisan,” sabi ni Torre, “maraming pulis ang tahimik lang, nagtatrabaho lang, sumusunod lang sa tungkulin—at marami sa kanila ang nasisira ang pangalan, karera, at pamilya dahil sa mga padalos-dalos na pronouncement na parang may desisyon na kahit hindi pa tapos ang proseso.”
Dagdag pa niya, “Judge ka ng administrative case, hindi prosecutor ng media circus. Anong klase kang adjudicator kung sa umpisa pa lang—hindi mo pa naririnig ang buong panig, hindi pa nga lubusang naihahain ang kaso, wala pang formal hearing—naka-presscon ka na at malinaw nang sinasabi mong mali ang pulis at nakakahiya ang kanilang ginawa?”
Paliwanag ni Torre, hindi na umano maituturing na due process kung nauuna ang hatol kaysa proseso.
“Hindi puwedeng presscon muna bago pagdinig. Hindi puwedeng public condemnation muna bago evaluation. Hindi puwedeng may desisyon ka na bago mo pa basahin ang buong kaso,” dugtong pa niya.
Matatandaang tiniyak pa ng NAPOLCOM na hindi lang umano ang pulis na sangkot ang masisibak sa puwesto kundi pati ang imbestigador at hepe ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Group (QCPD-CIDG).