Iniimbestigahan ng pulisya ang insidente ng umano’y pagtakas ng isang driver matapos magpakarga ng mahigit ₱7,000 halaga ng diesel sa isang gasolinahan sa Misamis Oriental.
Batay sa imbestigasyon, nagpakarga ng full tank ang isang sports utility vehicle (SUV) sa isang estasyon ng gasolina. Subalit matapos makumpleto ang pagkakarga, bigla na lamang umalis ang sasakyan nang hindi nagbabayad.
Ayon sa pump attendant, kahina-hinala umano ang kilos ng driver bago pa man umalis ang sasakyan.
Dahil sa pangamba na siya ang managot sa hindi nabayarang diesel, agad na iniulat ng attendant ang insidente sa mga awtoridad.
Sa tulong ng kuha sa CCTV kung saan malinaw na nakita ang plaka ng sasakyan, agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang pulisya.
Kalaunan, naharang ang naturang SUV sa Iligan City.
Ayon kay Lemuel Tecson, assistant investigator ng El Salvador City Police Station, itinanggi ng nakarehistrong may-ari ng sasakyan na siya ang nagmamaneho noong mangyari ang insidente.
Sa kabila nito, nakipag-ugnayan umano ang may-ari sa gasolinahan at nagpahayag ng kahandaang bayaran ang halaga ng nakargang diesel upang hindi ito makaltas sa pump attendant.
Sa ngayon, pansamantalang ibinalik sa may-ari ang sasakyan habang wala pang pormal na reklamo na inihahain ang pamunuan ng gasolinahan.
Patuloy namang hinihikayat ng pulisya ang mga sangkot na makipagtulungan sa imbestigasyon upang malinawan ang buong pangyayari.
Matatandaang hindi ito ang unang beses na napaulat na nagkaroon ng insidente ng “gas and run” kung saan may ilang mga driver na nagpapa-gas ng kanilang mga sa sasakyan ngunit hindi binabayaran.
KAUGNAY NA BALITA: Sa Bacolod naman: Motoristang nagpa-gas, tumakas!
KAUGNAY NA BALITA: Madulas pa sa langis! Kotseng nagpa-full tank, umeskapo nang mabilis