Inaprubahan na ng House of Representatives sa ikalawang pagbasa ang panukalang batas na naglalayong pagbawalan ang magkakamag-anak hanggang second degree na sabay-sabay na humawak ng posisyon sa gobyerno.
Sa pamamagitan ng voice vote, ipinasa ng mga mambabatas ang House Bill No. 8389 na nagtatakda ng limitasyon sa paghawak ng puwesto ng mga magkakapamilya sa pambansa at lokal na politika.
Layunin ng panukala na mabawasan ang impluwensiya ng political dynasties na matagal nang nangingibabaw sa iba’t ibang posisyon sa pamahalaan.
Sa ilalim ng panukalang batas, hindi maaaring magkasabay na manungkulan ang mag-asawa at mga kamag-anak hanggang second degree of consanguinity at affinity sa mga halal na posisyon.
Kabilang dito ang mga magulang, anak, kapatid, biyenan, manugang, at iba pang malalapit na kamag-anak.
Ayon sa mga mambabatas, nilimitahan muna sa second degree ang coverage ng panukala upang mas maging madali umano itong ipatupad sakaling maisabatas.
Naging bahagi rin ng deliberasyon ang ilang mungkahing amyenda, kabilang ang panukalang huwag isama ang mga barangay officials sa saklaw ng batas.
Sa ilalim din ng panukala, kung parehong mananalo ang magkamag-anak sa iisang antas ng posisyon tulad ng pagiging kongresista, ang kandidatong may pinakamataas na bilang ng boto lamang ang papayagang umupo sa puwesto.
Samantala, kung magkaiba naman ng antas ng posisyon ang napanalunang puwesto, ang kandidatong nahalal sa mas mataas na posisyon ang manunungkulan.
Hindi naman napagbigyan ang ilang panukalang palawakin pa ang anti-dynasty measure, kabilang ang mungkahing isama ang party-list groups at palawakin hanggang fourth degree ang pagbabawal sa mga magkakamag-anak.
Matatandaang ilang ulit nang naging usapin sa bansa ang political dynasties, lalo na matapos mabunyag ang mga kontrobersiya kaugnay ng paggamit umano ng pondo ng gobyerno sa mga distrito na kontrolado ng mga makapangyarihang pamilya sa politika.
Kabilang umano sa mga prayoridad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagsusulong ng reporma laban sa political dynasties bilang bahagi ng kampanya ng administrasyon para sa good governance at transparency.