Nasawi ang isang barangay tanod matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek habang nasa isang tindahan sa Dasmariñas City, Cavite noong Martes, Mayo 19, 2026.
Nadamay rin sa insidente ang isang tindera na tinamaan ng bala at kalauna’y namatay.
Batay sa paunang imbestigasyon, dakong 8:00 ng umaga nang maganap ang pamamaril sa Barangay Bergado 1.
Nakita sa kuha ng CCTV camera ang isang lalaking nakamotorsiklo na ilang minutong tila nagmamasid sa lugar bago isinagawa ang pamamaril.
Makalipas ang ilang sandali, bumaba umano ang suspek mula sa motorsiklo at nilapitan ang target bago sunod-sunod na nagpaputok ng baril.
Bumulagta sa insidente ang barangay tanod na sinasabing bibili lamang sana ng pagkain nang mga oras na iyon.
Tinamaan din ng bala ang isang tindera ng pagkain na nasa malapit sa pinangyarihan ng krimen.
Ayon sa mga awtoridad, ilang basyo ng bala ang narekober sa lugar habang agad na tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo matapos ang pamamaril.
Patuloy namang sinusuri ng mga imbestigador ang mga CCTV footage mula sa lugar at mga kalapit na establisimyento upang matukoy ang pagkakakilanlan ng gunman at ang motibo sa krimen.
Nakuha rin umano sa video ang plaka ng motorsiklong ginamit ng suspek na posibleng makatulong sa isinasagawang backtracking operation ng pulisya.
Ayon naman sa pamilya ng nasawing barangay tanod, wala umano silang nalalamang kaaway o natatanggap na pagbabanta ang biktima bago nangyari ang insidente.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang responsable sa krimen at mabigyang hustisya ang dalawang nasawi.