Tinutugis ng mga awtoridad ang isang SUV driver sa Bacolod City matapos itong umano’y tumakas nang hindi nagbabayad sa isang gasolinahan sa Barangay Mansilingan, matapos magpakarga ng halagang ₱500 na diesel.
Ayon sa ulat ng Bacolod City Police Station] 7, naganap ang insidente noong Marso 27 kung saan nagpakarga ang driver ng isang puting sports utility vehicle (SUV) ng diesel bago bigla na lamang humarurot palayo.
Batay sa kuha ng CCTV ng gasolinahan, makikita ang isang gas attendant na nagkakarga ng gasolina sa nasabing sasakyan, ngunit matapos gawin ang trabaho niya, ay mabilis umanong sumibad ang motorista nang hindi nagbabayad.
Sa panayam ng GMA Regional News TV sa administrative officer ng gasolinahan, hindi raw sila naghinala sa driver dahil maayos naman daw ang postura nito.
Dahil sa insidente, ikinukonsidera na ng gasolinahan ang pagpapatupad ng patakaran na pagbayarin muna ang mga motorista bago kargahan ng gasolina ang kanilang sasakyan.
Nilinaw rin ng pamunuan na hindi ibabawas sa sahod ng gas attendant ang nawawalang halaga, lalo na’t bago pa lamang ito sa trabaho.
Nai-report na sa pulisya ang insidente at kasalukuyan nang nakikipagtulungan ang mga awtoridad sa Land Transportation Office (LTO) upang ma-verify ang plate number at matukoy ang may-ari ng sasakyan.
Hindi ito ang unang beses na nagkaroon ng pagtakas ng mga motoristang nagpa-gas.
Sa Quezon City kamakailan, ikakaltas pa sa suweldo ng gas attendant ang ₱5000 halaga ng gasolinang hindi nabayaran dahil sa pag-1-2-3 nito.
Maki-Balita: Gas attendant na tinakbuhan ng motoristang nagpa-full tank, kakaltasan ng suweldo!
May insidente na rin ng "gas-and-run" sa Cebu.
Kaugnay na Balita: Nag-1-2-3? Kotseng nagpa-gas, 'di nagbayad sa gasolinahan!