May 22, 2026

Home BALITA Metro

Gas attendant na tinakbuhan ng motoristang nagpa-full tank, kakaltasan ng suweldo!

Gas attendant na tinakbuhan ng motoristang nagpa-full tank, kakaltasan ng suweldo!
Photo courtesy: Screenshots via TV Patrol

Isang gas pump attendant ang haharap sa kaltas sa kaniyang sahod matapos takasan ng isang motorista na nagpa-full tank ng diesel sa isang gasolinahan sa lungsod, ayon sa ulat.

Ayon sa ulat ng TV Patrol, makikita sa kuhang CCTV na bigla na lamang umalis ang isang puting sasakyan matapos magpakarga ng krudo. Sinubukan pang habulin ng pump attendant ang sasakyan ngunit mabilis itong tumakas.

Sa imbestigasyon, lumabas na binaybay ng sasakyan ang northbound lane ng EDSA matapos ang insidente.

Pinaghihinalaang planado ang pagtakas dahil napansin na may takip ang plaka ng sasakyan, na maaaring ginamit upang hindi ito agad matukoy.

Maki-Balita: Madulas pa sa langis! Kotseng nagpa-full tank, umeskapo nang mabilis

Metro

53-anyos na babae, namatay sa gitna ng AICS payout

Ayon kay Jose Luis Aguirre, station commander ng Quezon City Police District (QCPD) District 1, nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Land Transportation Office (LTO) upang matukoy ang pagkakakilanlan ng may-ari ng sasakyan.

Dagdag pa ng opisyal, posibleng maharap sa parusa ang suspek kabilang ang pagbawi ng lisensya at pag-impound ng sasakyan sakaling mahuli ito.

Aabot sa higit ₱5,000 ang halaga ng diesel na hindi nabayaran ng suspek.

Kinumpirma ng gas attendant sa panayam na siya ang pananagutin sa naturang halaga matapos siyang papirmahin ng isang deduction letter, kung saan paunti-unting ibabawas sa kaniyang suweldo ang nasabing halaga.

Ibinahagi rin ng staff ng gas station na hanggang Abril na lamang ang kaniyang kontrata sa trabaho, kaya’t lalo niyang iniinda ang insidente.

Sa kabila nito, may ilang mabubuting loob na ang nagpaabot ng tulong sa kaniya upang maibsan ang kaniyang pinansyal na suliranin.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matunton ang suspek at mapanagot sa kaniyang ginawa.

Sa kaugnay na balita, isang motorista rin ang tumakas sa gasolinahang pinagkargahan niya sa Cebu.

Ayon sa mga ulat, tinatayang nasa ₱500 ang halaga ng gasolinang ipinakarga ng driver ng naturang sasakyan.

Agad na nakipag-ugnayan sa kinauukulan ang pamunuan ng naturang gasolinahan hanggang sa natukoy ang pagkakakilanlan ng driver.

Depensa ng driver, nakalimutan lang daw niyang magbayad kaya siya biglaang umalis sa gasolinahan.

Sa huli, napilitan pa ring magbayad ang nasabing driver.

Kaugnay na Balita: Nag-1-2-3? Kotseng nagpa-gas, 'di nagbayad sa gasolinahan!