May 22, 2026

Home BALITA Metro

Madulas pa sa langis! Kotseng nagpa-full tank, umeskapo nang mabilis

Madulas pa sa langis! Kotseng nagpa-full tank, umeskapo nang mabilis
Photo courtesy: screengrab from contributed video, GMA News

Mabilis na kumaripas at tumakas ang motorista ng isang sasakyang nagpa-full tank ng diesel sa isang gasoline station sa Quezon City. 

Ayon sa inilabas na ulat ng GMA News nitong Biyernes, Marso 27, 2026, mapapanood ang kuha ng isang CCTV ng gasolinahan sa Quezon City na nagpakarga ng diesel ngunit hindi ito nagbayad matapos na ma-full tank ang tanke ng sasakyan. 

Nagawa pang habulin ng nagserbisyong pump attendant ang umeskapong sasakyan at nakisakay sa motor patungong EDSA ngunit bigo umano nitong matukoy pa ang sinagsag na ruta ng nag-1-2-3 na motorista. 

Base sa naging salaysay ng pump attendant, nilapitan daw niya ang naturang sasakyan nang pumasok ito sa kanilang gas station at kinumpirma ng lalaking driver na kakargahan ng full tank ang kotseng kaniyang minamaneho. 

“Nilapitan ko na po si customer and sabi niya po diesel daw po full tank. Nag-double check po ako kay customer, product badge daw po. Okay naman daw po, nagsenyas lang ng ‘okay,’” pagsisimula ng pump attendant. 

Metro

53-anyos na babae, namatay sa gitna ng AICS payout

Pagpapatuloy niya, bigla na lang daw kumaripas ang sasakyan nang mapuno ang gas tank nito nang hindi pa nagbabayad ng halagang ₱5,195.45. 

“Ayon po, kinargahan ko na po hanggang sa nag-matic na po, sinara ko po ‘yong gas tank ni Sir. pagkasara ko po, bigla na lang pong tumakbo si costumer,” pagtatapos niya. 

Samantala, ayon naman sa naging pahayag ng La Loma Police Station Commander na si Police Lt. Col. Jose Luis Aguirre, sinabi niyang nakikipag-ugnayan na raw ang kanilang istasyon sa tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek. 

Bukod dito, nagsagawa na rin umano sila ng backtracking sa mga nadaanang CCTV ng nasabing sasakyan upang matukoy kung saan ito nanggaling. 

“Ngayon po, nakipag-ugnayan na kami sa LTO at MMDA. At saka nakapag-backtracking na po kami sa mga CCTV na pinanggalingan ng suspek,” ‘ika ng pulis. 

Kaugnay nito, matatandaang naging agaw-eksena na rin ang isang pulang kotseng tinakbuhan umano ang gasolinahang pinagkargahan niya ng gasolina sa Cebu.

Ayon sa mga ulat, tinatayang nasa ₱500 ang halaga ng gasolinang ipinakarga ng driver ng naturang sasakyan. 

Depensa ng driver, nakalimutan lang daw niyang magbayad kaya siya biglaang umalis sa gasolinahan.

KAUGNAY NA BALITA: Nag-1-2-3? Kotseng nagpa-gas, 'di nagbayad sa gasolinahan!