Ibinahagi sa publiko ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla na nasa bansang Vietnam ang negosyante at isa sa mga most wanted ng bansa na si Charlie "Atong" Ang.
Ayon sa naging panayam ng DZBB 594 Super Radyo kay Remulla nitong Martes, Abril 7, 2026, sinabi niyang Vietnamn ang pinakabagong impormasyon na nakarating sa kanila sa pinagtataguan ni Ang.
“Si Atong Ang, ang latest balita namin [ay] nasa Vietnam,” pagsisimula niya.
Ani Remulla, gumagawa na raw sila ng diplomatic efforts upang makipag-ugnayan sa mga counterpart nila sa Vietnam at tiyaking naroon talaga si Ang.
“Gumagawa kami ng diplomatic efforts para kausapin ‘yong counterparts namin doon para tingnan ‘yong immigration records nila kung nandoon talaga [si Atong Ang],” aniya.
Paglilinaw pa niya, “Ang latest intelligence namin nasa Vietnam siya.”
Pagpapatuloy ni Remulla, dumaan umano si Ang mula sa Mindanao papuntang Malaysia hanggang sa makarating sa Vietnam.
“I think sa backdoor siya dumaan noong na-announce na aarestuhin na siya. Doon siya sa Mindanao papuntang Malaysia tapos umabot siya ng Vietnam,” saad niya.
“Mga 2 weeks before yata nakaalis na by a backdoor,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang itinaas pa sa ₱20 milyon mula ₱10 milyon noong Pebrero 12, 2026, ang pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na magreresulta sa pagkakaaresto ni Ang kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero.
Nahaharap si Ang at iba pang akusado sa mga arrest warrant kaugnay ng maraming bilang ng kasong kidnapping with homicide at kidnapping and serious illegal detention na konektado sa missing sabungeros case.
KAUGNAY NA BALITA: Kahit galing sa confidential funds: ₱20M pabuya sa kaso ni Ato Ang, wala raw Piattos!
KAUGNAY NA BALITA: Nasaan si Atong? Abogado ni Ang, pinayuhan kliyente na 'wag sumuko sa awtoridad