Sa araw na ito, Mayo 1, 2026, ipinagdiriwang at ginugunita ng halos lahat ng mga bansa ang International Labor Day o Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa.
Nagmula ito noong Mayo 4, 1886, nang sumiklab ang isinagawang pag-aaklas ng libo-libong mga manggagawa sa Haymarket, Chicago, sa Estados Unidos dahil sa panawagan nilang ibaba ang oras ng kanilang pagtatrabaho mula sa 16 na oras sa isang araw hanggang maging 8 oras na lang.
Kasama rin sa kanilang naging panawagan ang kaayusan ng mga lugar na pinagtatrabahuhan ng lahat ng mga manggagawa at iba pang benepisyong nararapat para sa kanila.
Hindi napigilang magkaroon ng kaguluhan sa pag-aalsa na ito mula sa mga manggagawa at mga awtoridad ng nasabing lugar. Aabot sa apat ang naitalang bilang ng mga nasawi habang napatawan naman ng parusang kamatayan ang limang mga lider na nanguna sa naturang pag-aaklas.
Magmula nito, itinuring na sa buong mundo na alalahanin at gunitain ang naging katapangan at sakripisyo ng mga manggagawang nag-aklas sa Haymarket, Chicago tuwing sasapit ang unang araw ng buwan ng Mayo.
Sa Pilipinas, itinuturing naman bilang “Makata ng mga Manggagawa” ang manunulat at Pambansang Alagad ng Sining (1973) sa Panitikan ang si Amado V. Hernandez.
Ayon sa tala ng Philippine Cultural Education, mas kilala si Hernandez sa tawag na “Ka Amado” ng kaniyang mga kaibigan at kasama sa kilusan.
Ilan sa mga maituturing na naging tanyag na akda ni Ka Amado ay ang tumutungkol sa pakikibaka, katarungan, at karapatan ng mga manggagawa.
Isa siyang lider-manggagawa, manunulat, editor, at makata na naglahad ng mga danas at hirap na naranasan ng mga anakpawis at aktibong pumuna sa mga kawalang katarungan sa bansa noon.
Naging Pangulo ng Congress of Labor Organizations (CLO) si Ka Amado noong 1947 ngunit napaghinalaan siyang komunista at dinakip ng mga awtoridad nang sumiklab ang pag-aalsa ng Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon (Hukbalahap) noong World War II.
Habang nakabilanggo, marami umanong nasulat na akdang pampanitikan si Ka Amado hanggang sa makalaya siya matapos aabot sa dalawang dekada noong 1964.
Ilan sa mga naging tanyag niyang tula, halimbawa ng “Ang Panday” at mga nobelang “Mga Ibong Mandaragit,” at “Bayang Malaya” ay sinasabing tumutungkol sa sakit ng lipunan, kahirapan, at pang-aapi ng mga makapangyarihan sa mga dukha.
Idagdag pa ang aklat niyang kalipunan ng mga tulang “Isang Dipang Langit” noong 1961, mga dulang “Muntinglupa” noong 1957, “Hagdan sa Bahaghari” noong 1958, “Ang mga Kagalang-galang” noong 1959, at “Magkabilang Mukha ng Isang Bagol” noong 1960.
Maituturing din umanong pinakatinangkilik ng mga mambabasa ang mga tula niyang “Kung Tuyo na Luha mo Aking Bayan,” “Inang Wika,” at “Makalawang Namatay.”
Nagkamit ng gantimpala sa Commonwealth Literary Contest noong 1938 ang kaniyang din ng mga tula na “Kayumanggi,” habang pinarangalan naman siya ng Republic Cultural Heritage Award para sa aklat niyang “Isang Dipang Langit” noong 1962.
Pumanaw si Ka Amado noong Marso 24, 1970.
Kagaya ng mga nag-alsang manggagawa noong Mayo 4, 1886 sa Haymarket, Chicago, at mga naging matatapang na akdang pampanitikan ni Ka Amado, lagi’t laging may puwang sa kasalukuyang tinatamasang benepisyo ng mga manggagawa ngayon ang epekto ng kanilang naging tapang.
Sa kasalukuyan, hindi pa rin natatapos ang pakikipaglaban ng mga manggagawa upang isulong ang benepisyong sapat at angkop para sa mga kanilang karapatan bilang sektor na may malaking papel sa lipunan.
Ngunit hangga’t nananatiling magulo ang bansa, gobyerno, at politika, walang ibang sasambot ng sigalot na nagmumula sa taas nga tatsulok kundi ang mga manggagawa at nasa laylayan.
Dahil dito, asahang hindi mauubos ang mga tulad ni Ka Amado at mga nag-aklas noong 1886 para isulong ang karapatan at benepisyong angkop para sa lahat.