Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang batikang mamamahayag at dating television host na si Jay Sonza dahil sa kasong cyber libel na isinampa laban sa kaniya dahil sa mga umano'y pagpapakalat ng maling impormasyon na may kinalaman sa kalusugan ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr..
Naaresto si Sonza ngayong Huwebes ng gabi, Abril 30, sa loob ng kaniyang tahanan sa Quezon City sa bisa ng warrant of arrest.
Ayon kay NBI Director Atty. Melvin Matibag, nakuha nila ang pormal na kopya ng arrest warrant ngayong hapon dahilan upang pormal din itong isilbi laban kay Sonza.
Matatandaang noong Pebrero, naghain ang NBI ng cyber libel complaint laban kay Sonza at sa vlogger na si "Ka Eric Celiz," kaugnay sa pagpapakalat ng pekeng medical records ni Marcos, Jr.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng NBI si Sonza.
Samantala, ayon sa legal counsel ni Sonza na si Atty. Mark Tolentino, hindi nila palalampasin ang anumang paglabag at babantayan nila ang bawat hakbang.
"Inaaresto ngayon si Jay Sonza ng National Bureau of Investigation batay sa isang warrant of arrest," pagkumpirma ni Tolentino sa isang social media post.
"Papunta na kami sa NBI Pasay upang tiyakin na ganap na iginagalang ang kanyang mga karapatan, lalo na bilang isang senior citizen," dagdag pa niya.
"Hindi namin palalagpasin ang anumang paglabag. Babantayan namin ang bawat hakbang. Aaksyon kami kung kinakailangan."