Ayon sa mga kasabihan ng matatanda, “huwag magsayang ng pagkain kasi maraming hindi nakakakain.”
Kasabihan nga lang ba ito o isa nang katotohanan?
Batay sa ulat ng World Health Organization (WHO), pumalo sa halos 700 milyong mga indibidwal sa buong mundo ang nakaranas ng pagkagutom noong nagdaang dalawang taon.
Kasabay ng dami ng pinagdadaanan ng lahat sa kasalukuyan—sa pagtaas ng presyo ng langis, pagtaas ng presyo ng iba pang mga pangunahing bilihin, mga bayarin—hindi na dapat diskusyon pa kung dapat bang nagsasayang ng pagkain ang mga tao o hindi.
Bilang mga indibidwal, na nakadepende sa hangin, tubig, at pagkain upang mabuhay, nararapat lamang na itatak ng bawat isa sa kanilang isipin na ang pagkain ay hindi dapat sinasayang.
Bakit nga ba hindi dapat magsayang ng pagkain ang mga tao?
Ayon sa isang artikulong mababasa sa website ng Earth Organization, ang pagsasayang ng pagkain ay may direktang epekto sa kapaligiran.
Batay sa artikulo, nakasisira ng natural resources ang pagsasayang ng pagkain.
“When we waste food, we waste the natural resources used for producing that food, the three main ones being energy, fuel and water,” mababasa sa artikulo.
Kung matututo ang bawat isa na huwag magsayang ng pagkain, hindi masasayang ang katubigan, enerhiya, at langis na siyang kailangan din ng kapaligiran.
Anang organisasyon, nakakaapekto rin daw ito sa paglala ng “climate change.”
Ang pagkasayang kasi ng pagkain ay nagiging dahilan ng pagkabulok, na siyang naglalabas ng “methane” na isang uri ng greenhouse gas.
Nakakadagdag daw ito ng 20% sa global greenhouse gas sa mundo, na maaaring makasira sa ozone layer ng planeta.
Kung maisasaayos ang food waste system sa mundo, tinatayang aabot sa 11% ng greenhouse gases ang mawawala sa mundo.
Base pa sa parehong source, nakasasama sa “biodiversity” ang food waste.
Hindi lamang nito sinisira ang habitat ng iba’t ibang uri ng hayop, nawawala rin ang balanse bunsod ng pagbabagong dala ng food waste.
Ang pagkain ay isang mahalagang bagay sa buhay ng mga tao. Samakatuwid, ang pagsasayang nito ay tila pagsasayang na rin sa buhay na kahaharapin ng bawat isa.
Pasalamatan ang mga pagkaing nakahain sa hapagkainan, dahil ang pagkasayang nito ay maaaring makasira sa kinabukasan.