“Magbasa, magsulat, makipamuhay, mabuhay.”
Sa depinisyon ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), nangangahulugan ang “panitikan” bilang kalipunan ng mga akda na katangi-tangi sa malikhain at masining na pagpapahayag ng damdámin at idea ng tao.
Tandaan, hindi salat ang mga Pilipino sa kakayahan nitong magsulat at ipahayag ang kanilang damdamin laban sa mga mapang-aping sistema ng lipunang kanilang ginagalawan.
Kaya nga nariyan ang mga nobela ng Pambansang Bayani na si Dr. Jose Rizal na “Noli Me Tangere,” at “El Filibusterismo” na nagkaroon ng malaking papel upang ihayag ang danas ng mga Pilipino sa panahon ng pananakupan noon ng mga Espanyol.
Kaya nga’t nariyan ang mga akda ni Lualhati Bautista na “Dekada ‘70” upang ilahad ang dilim sa panahon ng Martial Law noon, at iba pa niyang mga nobela kagaya ng “Bata… Bata, Pa’no Ka Ginawa?” at “Sixty in the City,” na sumasaling sa mga usaping may kaugnayan sa pagsusulong ng karapatan at halaga ng kababaihan.
Kaya nga’t nariyan sina Bob Ong, Ronaldo Vivo Jr., Eros Atalia, Ricky Lee, Edgar Calabia Samar, Joselito Delos Reyes, Allan Popa, Jerry Gracio, Juan Bautista, Bebang Siy, at iba pa na naging tanyag at dakila sa sarili nilang panulat at pagkukuwento.
Sa kabila nito, ilan lamang sila sa nagkaroon ng pangalan sa mundo ng pagsusulat at nakilala ng mga mambabasa. Tiyak, sa panahon nila, marami rin ang huminto, nagsunog ng mga papel, at sumuko na lang sa pangarap nilang maging manunulat.
Dito papasok ang halaga sa pagpansin sa potensyal ng isang bata upang malaman nila ang sikhay at mahika sa pagtangkilik ng panitikan. Silang mga musmos, puno ng apoy at pangarap.
Kaya ano nga ba ang kahulugan ng panitikan para sa isang estudyanteng nagwagi ng unang gantimpala sa pangnasyunal na kompetisyon sa pagsulat ng sanaysay?
Sa naging eksklusibong panayam ng Balita sa mag-aaral na si Denielle Alliyah Talandro, 18, noong Miyerkules, Abr
Si Talandro ay nakakuha ng unang gantimpala sa pagsulat ng sanaysay sa Pambansang Labanan ng Isip, Sining at Panitikan (PALAISIPAN) 2026 ng University of the Philippines - Los Baños (UPLB) na ginanap noong Marso 15, 2026.
“Bilang bata, mahilig po akong magbasa at mahilig po ako sa mga aklat. Parang naging dahan-dahan na proseso siya. Nagsimula po akong mamulat sa kakaibang mundo ng pagbabasa noong pumasok sa eskwelahan namin ang isang guro ko sa Senior High,” pagsisimula niya.
Ani Talandro, napagtanto raw niyang hindi lang basta babasahin ang mga pampanitikang akda, bagkus, may kapangyarihan itong magpakilala at magpasok sa isang mambabasa sa iba’t ibang uri ng mga mundo.
Aniya pa, mayroon daw palang iba’t ibang mga karanasan sa loob ng mga kuwento at dito raw niya natutunang makinig sa buntong-hininga ng ibang mga tao.
“Mayroon palang iba’t ibang mga pananaw, mayroon palang iba’t ibang mga karanasan sa likod ng bawat kuwento. Sa pagbabasa ko rin po natutunan na makinig sa mga buntong-hininga ng karaniwang tao,” ‘ika niya.
Diin ni Talandro, napakahalaga raw na mailapit ang panitikan sa masa dahil maaari itong magsilbing daluyan ng karanasan at kamalayan ng marami.
“Napakahalaga na mailapit natin ang panitikan sa masa. Dahil dito po kasi naisasakatuparan kung ano talaga ‘yong layunin ng panitikan na magsilbing daluyan ng kamalayan at karanasan ng tao,” saad niya.
Paliwanag niya, hindi raw kasi dapat makulong lang sa mga kompetisyon ang pagsusulong ng panitikan dahil may kakayahan daw itong palayain ang isang indibidwal sa pamamagitan ng pagpapahayag ng kaniyang damdamin at karanasan.
“Dapat itong naipapahayag sa mga maliliit at malalaking komunidad kagaya ng mga nasa laylayan, lansangan, at digital na mundo. Dito nagiging buhay, dito nagkakaroon ng hininga ‘yong mga sinusulat, ipinapahayag natin—dito nagiging inclusive ang panitikan,” aniya.
Dagdag pa niya, “Hindi lamang sining ‘yong panitikan. Nagiging isa itong tinig ng kolektibong masa. Dahil kung makukulong lamang tayo na isang sining lamang ang panitikan, hindi ba’t parang nawawalan ng sense ‘yong paniniwala na dapat maipahayag natin ‘yong emosyon at reaksyon natin sa mga nangyayari sa paligid.”
Ngayong malapit nang matapos ang Abril at selebrasyon para sa Buwan ng Panitikan, idiniin ni Talandro na hindi raw dapat nalilimitahan sa isang buwan lamang na selebrasyon ang pagsusulong nito.
Hiling niya, magkaroon pa raw sana ng espasyo at plataporma ang mga kagaya niyang batang manunulat upang makalikha sila ng mas marami pang mga akda.
“Hindi po dapat natatapos ang pagsusulong ng panitikan sa isa lamang buwan ng selebrasyon. Sa halip. Dapat dito tayo nagsisimula para sa isang mas malay na gawain… Kung magkakaroon ng espasyo at platapormang maaaring pasukan at paglaruan ng bawat kabataang manunulat, maisusulong natin ang panitikan.”
Mensahe ni Talandro, huwag daw sanang gawing sukatan ng halaga ng kabataan ang mga tropeo, sertipiko, medalya, at premyo na kanilang matatanggap sa mga sasalihang kompetisyon.
Huwag din daw sana silang matakot na magkamali at tumanggap ng mga puna mula sa mga mambabasa.
“Huwag nating gawing sukatan ‘yong tropeo. Huwag nating gawing sukatan ng halaga natin bilang manunulat ‘yong mga sertipiko, medalya, mga premyo na makukuha natin sa mga sinasalihan nating kompetisyon,” saad niya.
Diin pa niya, “Huwag tayong matakot magkamali. Hindi lahat ng matagumpay na akda ay walang bura. Kailangan muna nating matisod, madapa, o pumalpak. Huwag tayong matakot na tumanggap ng mga puna, pagbabago, rebisyon, masabihan na mali tayo.”
Pagpapatuloy ni Talandro, matutuhan daw sana ng maraming kabataan na magbasa nang magbasa, magsulat, makipamuhay at aktuwal na mabuhay.
“Magbasa tayo nang magbasa. Makipamuhay tayo. Kagaya nga po ng sabi ng guro ko, ‘Hindi tayo magiging mahusay na manunulat kung hindi muna tayo mabubuhay.’ Mabuhay tayo sa pusod ng lansangan, sa buntong-hininga nila, at dapat mayroon tayong pakialam,” aniya.
“Magbasa, magsulat, makipamuhay, mabuhay,” pagtatapos pa niya.