Sa mga nagdaang araw, tila maugong ang usapin kaugnay sa wildlife conservation, habitat preservation, at maging environmental protection.
Kasunod ito ng mga ulat hinggil sa mga organismong nagdadala ng balanse sa ecosystem.
Kamakailan lang, namataan ang aabot sa tinatayang 3,000 paniki sa Sarangani, na patunay na malusog ang kapaligiran.
MAKI-BALITA: 3K paniki, namataan sa Sarangani; indikasyon ng malusog na ecosystem?-Balita
Nandiyan din ng ulat patungkol naman sa isang bulaklak na natunton din sa isang mabundok na bayan sa Bulacan, na tanda rin na buhay ang biodiversity sa lugar.
MAKI-BALITA: Malaking bulaklak na may pambihirang amoy, muling natagpuan!-Balita
Ngunit sa usaping kaayusan at kalusugan ng kapaligiran, hindi puwedeng mawala sa diskusyon ang mga puno.
Batay sa isang artikulo ng website na Eco Tree, importante ang mga puno upang mapanatili ang mayaman at malusog na biodiversity sa isang lugar.
“A tree is a tall plant that can live a very long time. It has a single stem or trunk and branches that support leaves. Beneath the ground, a tree has a root system that acts as an anchor and stores the water and nutrients the plant needs to grow,” mababasa sa Eco Tree.
“Trees can grow flowers or fruit, which contain seeds that spread and allow them to reproduce. Each species has unique features, making trees crucial to rich, biodiverse habitats,” dagdag pa nito.
Gaano ba karami ang puno sa mundo?
Kung iisipin, sa lawak at laki ng daigdig, sa mga kagubatang mayroon ang mundo, marahil aabutin ng siyam-siyam ang mga magtatangkang bilangin kung ilan nga ba ang mga puno sa mundo.
Ngunit sa usapin ng siyensya at pananaliksik, hindi imposibleng mabilang ito.
Sa isang artikulo namang mababasa sa website ng World Population Review, nakakalula ang bilang ng puno sa buong daigdig.
Batay kasi sa kanilang bilang, aabot na sa humigit-kumulang 3.04 trilyong puno mayroon ang buong mundo.
Ayon din sa parehong source, ang buong mundo sa kasalukuyan ay mayroong tinatayang 8.2 bilyong katao.
Samakatuwid, kung ikukumpara ito sa bilang ng mga tao sa mundo, mayroong 400 na puno kada isang tao.
Base pa sa kanilang datos, umabot pa nga sa anim na trilyon ang puno sa mundo, 12,000 taon na ang nakalipas—na siyang bumaba na bunsod sa deforestation, logging, at agrikultura.
Anila, nababawasan ng sampung bilyong puno ang mundo dahil sa mga nabanggit na aktibidad.
Ayon pa sa parehong source, ang puno ay nagsasala ng oxygen—na siyang mahalaga sa mga tao at hayop. Anila pa, ito raw ay tahanan para sa milyong-milyong mga hayop.
Kung iisipin, maraming benepisyong dulot ang puno para sa mga tao—pagkain, materyales, at hangin.
Ngunit pakatandaang hindi lamang mga tao ang naninirahan sa mundo, nandiyan din ang mga hayop na siyang nakadepende rin sa mga puno.
Bilang mga taong kayang mag-isip, ang bawat isa ay nararapat na magkaroon ng disiplina at kaalaman upang mapayabong pa ang mga kagubatan—paramihin ang mga puno para sa kinabukasan ng kalikasan at sangkatauhan.