Hindi pinatulan ni House Deputy Speaker at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin ang naging patutsada laban sa kaniya ni Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga na hindi "mommy" ang tawag niya sa kaniya kundi "Dengvaxia Queen" lalo na kapag nasa House of Representatives sila.
Kaugnay ito sa naging pahayag ni Garin na baka mauwi na sa expulsion ang panibagong ethics complaint na nakatakda umanong ihain laban sa solon, dahil aniya sa paulit-ulit na behavior at sinasabi nito sa social media.
Nilinaw ni Barzaga na hindi "mommy" ang tawag niya kay Garin dahil unprofessional daw ito.
"To correct Congresswoman Garin's media press release, no I do not call her 'mommy' in Congress as that would be too unprofessional... I call her by her official title, the 'Dengvaxia Queen,' whenever I see her during the work hour," ani Barzaga.
Kaya pahayag umano ni Garin, "Mas gusto niyang patulan siya. Kaya better to disregard."
Matatandaang nagsilbi si Barzaga ng 60-araw na suspensiyon dahil sa umano’y paglabag sa House code of conduct at Republic Act No. 6713, kabilang ang mga itinuturing na nakakasakit na social media posts at umano’y magulong asal sa mga sesyon ng plenaryo.