May 21, 2026

Home FEATURES

ALAMIN: Ano ang sakit na ‘parvo’ at paano ito maiiwasan?

ALAMIN: Ano ang sakit na ‘parvo’ at paano ito maiiwasan?
Photo courtesy: Unsplash


Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na kapag nag-alaga ng isang hayop ang mga Pinoy, partikular na ng mga aso, tiyak hindi lamang iyan magiging simpleng alaga—ituturing na ang mga ito bilang miyembro ng pamilya.

Kaya nga tinaguriang “man’s best friend” ang mga ito, dahil sa nabubuo nitong relasyon sa furparents nila.

Ngunit sa hindi maiiwasang pagkakataon, dumarating sa punto na kahit anong alaga ng amo ay dinadapuan pa rin ng sakit ang mga alaga nito.

Sa mga nag-aalaga ng aso, isa na marahil ang sakit na “parvo” sa mga kinatatakutang sakit na maaaring dumapo sa kanilang furbabies.

Ano nga ba ang parvo?

Ayon sa American Veterinary Medical Association (AVMA), ang “canine parvovirus infection” o parvo ay isang nakahahawang sakit na dulot ng “canine parvovirus type 2 (CPV-2).

Ang virus na ito ay inaatake ang “white blood cells” at ang “gastrointestinal tract” ng aso at ng iba pa gaya na lamang ng coyotes, wolves, at foxes.

Sa mga tuta, inaatake ng nasabing virus ang heart muscle na maaari nitong ikamatay.

Ano ang mga sintomas ng sakit na parvo?

Mga Pagdiriwang

Tuklasin: Mga kulturang weirdo at kakaiba pero ipinagdiriwang pa rin sa mundo!

Base sa parehong source, ilan lamang sa mga sintomas ng sakit na parvo ay ang pagkawala ng gana kumain, pagsusuka, diarrhea, at drooling.

Ngunit batay sa AVMA, iba-iba ang sintomas na ipinakikita ng sakit depende sa alagang aso.

Paano maiiwasan ang sakit na parvo?

Batay isang artikulo ng The Animal Foundation, ilan lamang sa mga paraan kung paano maiiwasang magkaroon ng parvo ang isang alaga ay ang pagtiyak na kumpleto ang bakuna ng alagang hayop.

Ayon sa nabanggit na source, nararapat na kumpletuhin ang mga bakunang kinakailangan upang masiguro na may panlaban ang hayop sa sakit na parvo.

Isa rin daw sa mga paraan kung paano maiiwasan ito ay ang pagkakaroon ng good hygiene. Paano? Huwag hayaang nakatengga ang kanilang mga dumi.

Kung mayroon man, agad itong linisin sapagkat isa ang mga dumi sa nagdadala ng sakit sa mga alagang hayop.

Kung mayroong hayop na mukhang may sakit, huwag hayaang makalapit ang alaga, may bakuna man ito o wala. Mas mabuti nang tiyak na malayo sa posibilidad na makakuha ng sakit ang alaga, kaysa umasang baka hindi ito mahawaan.

Base pa sa artikulo, dalasan din daw ang pagpapa-check up upang mabigyan agad ng lunas kung sakaling may nakikitang posibilidad ng sakit ang beterinaryo.

Ang pag-aalaga ng aso ay hindi lamang isang laro, isa itong responsibilidad na dapat panindigan.