Pinasinungalingan ng Department of Energy (DOE) ang mga umano’y kumakalat na impormasyon patungkol sa pagkakaroon ng “energy lockdown.”
Sa isang paalala na ibinahagi ng DOE nitong Lunes, Abril 6, tahasang sinabi ng ahensya na “fake news” ito.“
Mag-ingat sa fake news. May kumakalat na mga post online tungkol sa umano’y ‘energy lockdown’ na gumagamit ng logo ng Department of Energy (DOE),” saad ng DOE.
Anila, “Fake news ito. Walang ganitong anunsyo mula sa DOE.”
“Mayroon ding AI-generated videos na nagpapakalat ng hindi totoong balita tungkol sa energy lockdown. Hindi ito totoo at hindi nagmula sa DOE,” dagdag pa nila.
Dahil dito, pinag-iingat ng DOE ang publiko hinggil sa nasabing fake news.
“Mag-ingat sa mga link na kasama sa mga post na ito dahil maaari itong magdala sa hindi ligtas na websites,” anang DOE.
“Patuloy ang monitoring at koordinasyon ng DOE at ng industriya upang matiyak ang tuloy-tuloy at sapat na suplay ng enerhiya at kuryente sa bansa,” pagtatapos nila.
Matatandaang idiniin na rin ng Palasyo kamakailan na fake news ang usaping kumakalat na magkakaroon daw ng energy lockdown simula Abril 20.
Sa kaugnay namang balita, matatandaang tiniyak din ng Malacañang na mananagot ang mga indibidwal na nagpapakalat ng maling impormasyon patungkol sa suplay at presyo ng enerhiya sa bansa.
“In light of the current energy landscape, we warn anyone who deliberately fabricates stories and spreads fake news online to exploit the situation that they will be held to account to the fullest extent of the law,” saad ni Presidential Communications Office (PCO) Acting Secretary Dave Gomez sa isang pahayag noong Linggo, Abril 5.
MAKI-BALITA: Palasyo, binantaan mga nagpapakalat ng fake news hinggil sa suplay, presyo ng enerhiya-Balita