“Hindi na makalaya, dinadalaw mo 'ko bawat gabi…”
May ilang tila ayaw nang umibig muli dahil sa kawalan ng closure mula sa taong kinikilala o kaya’y napangakuan na ng “forever.”
Ayon sa pag-aaral ng Psychology Today, habang may iba-ibang dahilan sa likod ng “ghosting,” kadalasan itong pinipiling gawin ng “ghoster” upang takasan ang emosyonal na komprontasyon sa kaniyang iniiwan.
Kaya kadalasan, nangungulila at nababalisa ang naiiwan sa relasyon dahil sa kakulangan ng mga detalye at kalinawan sa biglaang pag-alis ng kaniyang “ghoster.”
Dahil dito, narito ang ilang tips upang maka-move mula sa pagkaka-”ghost:”
Paglaanan ng oras ang dinaramdam
Ayon sa pag-aaral ng Mental Health America, makatutulong ang maayos na paglalaan ng oras upang damdamin ang lungkot mula sa ghosting at ituring itong pagluluksa bagama’t buhay pa ang taong nang-iwan.
Saad dito, ang mga negatibong emosyon dulot ng ghosting ay normal at maaari ding magsilbing aral at paraan upang mas makilala at mapagtibay ang sariling kalooban.
Tandaan na ang “moving on” ay isang proseso
Sa iba namang pag-aaral, itinuturo ding ang moving on mula sa ghosting ay isang proseso na hindi nasusukat sa iisang timeline dahil iba-iba ito sa kada indibidwal.
Tanggalin ang anumang komunikasyon
Sa dagdag pag-aaral ng Psychology Today, ipinapayo na maaaring makatulong ang pagpuputol ng anumang komunikasyon sa nang-ghost.
Magagawa ito sa pamamagitan ng pag-unfollow o pag-block dito sa social media o kaya’y pag-iwas na i-stalk ito upang hindi na masariwa ang sakit at mga alaala.
Iwasang sisihin ang sarili
Ayon naman sa Healthline, dahil kadalasang walang konteksto o detalye ang naiiwan ng nang-ghost, mahalagang tandaan na hindi nakatutulong sa proseso ng pag-usad sa buhay ang paninisi sa sarili.
Bukod pa rito, anumang paninisi sa sarili ay nagdudulot rin ng karagdagang sakit ng kalooban.
Magkaroon ng “support system”
Saad pa ng Healthline, nakatutulong rin ang pagsandal sa mga kalapit na pamilya at kaibigan upang mapagsabihan ng nararamdaman at mahingian ng advice.
Dito rin ay nakatutulong ang paghingi ng tulong sa isang mental health counselor o therapist upang magkaroon ng mas konkretong advice at estratehiya sa muling pag-usad sa buhay.
KAUGNAY NA BALITA: Alin ang scariest? Ang apat na uri ng “Ghost” sa kasalukuyan