May 21, 2026

Home FEATURES Human-Interest

Alamin: Ang Indoor playground na swak sa mga chikiting at mga 'feeling bata!'

Alamin: Ang Indoor playground na swak sa mga chikiting at mga 'feeling bata!'
Photo courtesy: Kate Garcia/FB

Kung naghahanap ka ng lugar na puwedeng takbuhan ng mga bata—at maging ng mga “feeling bata”—hindi pahuhuli ang DreamPlay sa City of Dreams Parañaque . 

Isa itong indoor playground na hango sa mundo ng DreamWorks Animation, kung saan nagtatagpo ang saya, imahinasyon, at aktibong paglalaro.

Sa pagpasok pa lang, sasalubong na ang makukulay na karakter mula sa mga paboritong pelikula tulad ng Shrek, Madagascar, at Kung Fu Panda. Hindi ito simpleng playground—isa itong immersive na karanasan kung saan ang mga bata ay hindi lang nanonood kundi aktibong nakikilahok sa iba’t ibang gawain.

Maglaro, pagpawisan at matuto

Isa sa pinakaaabangang bahagi ng DreamPlay ang mga interactive zones. Maaaring subukan ng mga bata ang obstacle courses, umakyat sa mga pader, o mag-training ng “kung fu” kasama si Po. Para naman sa mas creative na mga bisita, may mga activity tulad ng paggawa ng cookies o pagdidisenyo ng sariling animation.

Human-Interest

‘Okay ka lang?’ Mga paraan upang ‘mangumusta’ sa kaibigan o katrabaho

Hindi lang pisikal na aktibidad ang inaalok ng DreamPlay—may mga gawain ding nagpapalawak ng imahinasyon at kasanayan ng mga bata. Sa ganitong paraan, nagiging balanse ang saya at pagkatuto.

Para sa buong pamilya

Hindi lang para sa mga bata ang DreamPlay. Maraming magulang ang aminadong napapabalik sa pagkabata habang sumasabay sa kanilang mga anak sa iba’t ibang laro. 

May mga lugar na puwedeng samahan ang bata sa pag-explore, kaya nagiging bonding experience ito ng buong pamilya.

At dahil indoor ang setup, hindi kailangang mag-alala sa init o ulan—isang malaking plus para sa mga pamilyang naghahanap ng komportableng pasyalan sa Metro Manila.

Hindi rin problema ang bilihan ng mga pagkain at inumin, dahil mayroon silang food hall area na marami ang pagpipilian mula sa snacks at heavy meals.

Nagsisimula ang ticket price mula ₱350 para sa mga non-participants—perfect sa mga magulang na gusto lang mag-enjoy sa ambiance ng DreamPlay. Habang aabot naman sa ₱1,500 ang ticket price ng participant kung saan unlimited mong mae-enjoy mo ang lahat ng activites.

Paalala bago bumisita

Mainam na maglaan ng sapat na oras dahil maraming activities ang puwedeng subukan. Inirerekomenda rin ang pagsusuot ng komportableng damit dahil siguradong mapapagalaw ang katawan sa dami ng puwedeng gawin.

Sa huli, ang DreamPlay ay hindi lang basta playground—isa itong lugar kung saan puwedeng maging bida ang bawat bata, at kahit ang matatanda ay pansamantalang makalimot sa seryosong mundo at muling maging bata.