May 15, 2026

Home FEATURES

ALAMIN: 10 pinakamalaking wildfire sa kasaysayan ng mundo

ALAMIN: 10 pinakamalaking wildfire sa kasaysayan ng mundo
Photo Courtesy: via MB

Itinakda ang Wildfire Community Prepared Day tuwing unang Sabado ng Mayo sa Amerika at Canada. Ito ay bilang pagpapaigting sa kampanya para mabasawasan ang pinsalang dulot ng malawakang sunog.

Ngunit ano-ano nga ba ang mga pinakamalaking wildfire sa kasaysayan ng mundo sa nakalipas na taon at dekada?

1. Great Fire of 1919

Dalawang milyong ektarya ng lupain ang natupok  sa Saskatchewan at hilagang bahagi ng Alberta sa Canada dulot ng binansagang Great Fire of 1919.

Malaking salik umano sa pagsiklab ng apoy ang mga kahoy na pinutol para sa industriya ng troso na sinabayan pa ng malakas at tuyong hangin. 

Mga Pagdiriwang

KILALANIN: Kapuso artist na rumaratsada na rin sa mundo ng VA!

Bagama’t siglo na ang nakakalipas, kinikilala pa rin ang naturang trahedya bilang isa sa mga pinakamalaki at pinakamapaminsalang wildfire sa kasaysayan.  Isa umano sa mismong mga nakasaksi ng pangyayaring ito ay ang mga katutubo sa lugar, partikular ang Cree.

2. Black Friday Fires 1939

Humantong sa pagkakasunog ng malilit na punong-kahoy ang ilang taong tagtuyot sa estado ng Victoria sa Australia noong Enero 1939 na sinamahan pa ng mataas na temperatura at malakas na ihip ng hangin. 

Sa pagtatapos ng buwan, umakyat sa 71 katao ang bilang ng mga namatay.

Tuluyang nabalot ng usok ang Victoria at humigit-kumulang 75% ng estado ang naapektuhan ng sunog. Nilamon ng apoy ang dalawang milyong ektarya ng lupa nito  

Kalaunan, binansagang Black Friday Fires ang trahedyang ito noong 1939.

3. New South Wales Bushfires

Noong kasagsagan ng summer sa pagitan ng 1974 at 1975, nangyari ang isa sa mga pinakamapinsalang sunog sa Australia. Nilamon ng apoy ang 117 milyong ektarya ng lupa sa buong bansa, na tinatayang 15% ng lupain sa kontinente. Naabo ang imprastruktura tulad ng communication system at agricultural facilities. 

Ilan sa mga naapektuhang lugar ay ang Cobar Shire, Balranald, Glendale at mga rehiyon sa palibot ng Lower Hunter.

4. Black Dragon Fire

Kumitil ng 200 katao ang tinaguriang Black Dragon Fire at sumira ng libo-libong tahanan noong 1987. Nagsimulang lumaganap ang apoy nito sa magkabilang panig ng Black Dragon Fire River, dahilan para matupok ang 1.3 milyong ektarya ng lupa sa China habang 6 milyong ektarya naman sa Russia.

Dahil sa nangyari, naiwang abo ang mga reserbang troso ng China at ang mga naapektuhang kagubatan ay naging tigang. Kaya naman umaksyon ang pamahalaan ng China upang makontrol ang sunog at mapigilang maulit pang muli ang nangyaring trahedya.

Sa kasalukuyan, nananatili pa rin ang Black Dragon Fire bilang isa sa pinakamapaminsalang wildfire sa kasaysayan ng China.

5. Siberian Taiga Fires

Isang malawak na kagubatan ang Siberia na matatagpuan sa silangang rehiyon ng Russia. 

Ngunit noong kapanahunan ng spring at summer ng 2003, umabot sa 22.5 milyong ektarya ng lupa ang nasunog  bahaging iyon ng bansa. Kumalat kalaunan ang apoy nito at nakarating sa China at Mongolia.

Ayon sa ulat ng National Aeronautics and Space Administration (NASA), tumaas hanggang 5 kilometro mula sa ibabaw ng lupa ang nilikhang usok ng sunog.

Pinaniniwalaang pagtama umano ng kidlat ang pinagmulan ng apoy sa naturang lugar.

6. 2004 Alaska Fire Season

Itinuturing umano sa Amerika ang Alaska Fire Season noong 2004 bilang pinakamalalang estadong nasunugan sa kanilang kasaysayan. 

Base sa National Interagency Fire Center (NIFC),tumupok lang naman ang sunog nito nang mahigit 2.6  milyong ektarya ng lupa sa Amerika hanggang katapusan ng Hulyo 2004.

Umabot sa 701 ang apoy na nalikha sa trahedyang ito. 215 sa mga ito ay nagsimula dahil sa pagtama ng kidlat sa kalupaan habang 426 naman ay gawa ng tao.

7. Northwest Territories Fires

Mahigit 150 sunog ang lumiyab nang magkakahiwalay sa Northwest Territories sa hilagang bahagi ng Canada noong 2014. Pinaniniwalaan umanong 13 sa mga ito ay gawa ng tao. 

Sa kabuuan, sumira ang naturang sunog ng halos 3.5 milyong ektarya ng kagubatan. Sa laki ng pinsala ng sunog, malaki rin ang ginastos ng gobyerno sa ikinasang operasyon ng mga bumbero na umabot umano sa $44.4 milyon.

8. Black Summer Bushfires

Makalipas ang higit apat na dekada mula nang mangyari ang New South Wales Bushfires, pininsalang muli ang Australia ng Black Summer Bushfires. Tinatayang 19 na milyong ektarya ng lupa ang nasunog.

Bukod dito, nakapagtala rin umano ng 33 katao ang nasawi habang umabot naman sa bilyong hayop ang namatay.

9. 2021 Russian Wildfires

Ayon mismo sa environmental group na Greenpeace Russia, ang nangyaring wildfires sa binanggit na bansa noong 2021 ay isa sa mga kinikilalang pinakamalaki sa kasaysayan ng satellite observations. Pinaliyab nito ang 17.08 milyong ektarya ng lupain.

“The unprecedented size of fire-damaged areas is partially the result of climate change, and the fires themselves are partly driving climate change,” saad ni Grigory Kuksin noong Agosto 2021. Siya ang ulo ng wildfire unit ng Greenpeace Russia.

10. 2023 Canadian Wildfires 

Ayon sa gobyerno ng Canada, ang wildfire season umano noong 2023 ang pinakamapaminsalang naitala sa kasaysayan ng bansa. Noong taong iyon, 15 milyong ektarya ng lupa ang nasunog. 

Hindi umano ito karaniwan dahil 2.5 milyong ektaryang lupa lang ang natutupok sa bansa kada taon kapag nagkakaroon ng wildfire. 

At hindi rin kagaya noong mga nakalipas na taon, mas malaganap ang wildfire noong 2023 dahil mula West Coast sumadsad ang apoy hanggang sa mga lalawigan ng Atlantic, at North.