May 21, 2026

Home FEATURES

KILALANIN: Sino si Miss Universe Philippines 2026 Bea Millan-Windorski?

KILALANIN: Sino si Miss Universe Philippines 2026 Bea Millan-Windorski?
Photo Courtesy: Bea Millan-Windorski (IG)

Itinanghal ang pambato ng La Union na si Bea Millan-Windorski bilang Miss Universe Philippines 2026 sa ginanap na coronation night sa SM Mall of Asia Arena noong Sabado ng gabi, Mayo 2.

Ipinasa sa kaniya ni Miss Universe Philippines 2025 Ahtisa Manalo ang korona bilang tanda ng pagkawagi sa naturang kompetisyon.

Nakatakdang katawanin ni Bea ang Pilipinas sa global stage para sa ika-75 edisyon ng Miss Universe na gaganapin sa Nobyembre 2026.

Pero sino nga ba si Bea bago ang tagumpay na ito?

Hindi na bago kay Bea ang mundo ng pageantry. Kinoronahan na siya noong 2024 bilang Miss Earth USA. Dahil dito, kinilala siya bilang kauna-unahang Filipino-American na nanalo ng naturang titulo.

Mga Pagdiriwang

Tuklasin: Mga kulturang weirdo at kakaiba pero ipinagdiriwang pa rin sa mundo!

Ipinanganak si Bea sa Milwaukee, Wisconsin, United States noong 2002. Mula siya sa pamilya ng mga imigrante. Ang kaniyang dugong Pinoy ay galing sa panig ng nanay niya.

Bagama’t kasalukuyang naninirahan sa Makati, ang La Union na nirerepresenta ni Bea ay probinsiya ng kaniyang lola’t lolo.

Habang lumalaki, naging bahagi si Bea sa iba’t ibang aktibidad dahil sa kaniyang mga likas na talento at talino. Sumali siya varsity dance team, string orchestra, at debate team. Nag-aral din siya ng ballet at cello. 

Samantala, ang kaniyang bachelor's degree sa History at International Relations ay nakuha niya sa University of Wisconsin–Madison. Nakatutok ang kaniyang academic interests sa ugnayang US-ASEAN.

Kaya naman hindi nakapagtataka ang pagkakaroon ng kamalayang panlipunan ni Bea at ang kaniyang mga pakikisangkot sa mga pagkilos para ipanawagan ang kaniyang adbokasiyang pinaniniwalaan.

Sa katunayan, nakiisa si Bea sa pagkilos na ginanap sa Luneta noong Setyembre 21, 2025. Ito ay bilang tugon sa isyu ng maanomalyang flood control projects. 

“The issues of corruption and ghost flood control projects not only have political ramifications, but also environmental,” saad ni Bea sa kaniyang Instagram post noong mismong araw ding iyon ng Setyembre. 

“As the Philippines faces supercharged typhoon seasons,” pagpapatuloy niya, “climate adaption is not just policy— it's survival.”

Dagdag pa ng beauty queen, “Every peso misallocated, every flood control project constructed with substandard materials is a livelihood impacted, a home lost, and a family displaced.”

Bukod sa pagtataguyod ng climate justice, kaisa rin si Bea ng mga imigrante.

Patunay lang ito na hindi lang ganda ang puhunan ni Bea sa kaniyang laban kundi pati ang talino niya na ginagamit para sa kapakinabangan ng bayan.