May 22, 2026

Home BALITA Politics

‘Hindi na mahirap gawin!' Rep. Ridon, iginiit na madali lang 106 na boto sa impeachment ni VP Sara

‘Hindi na mahirap gawin!' Rep. Ridon, iginiit na madali lang 106 na boto sa impeachment ni VP Sara
Photo courtesy: MB File photo

Ipinahayag ng isang miyembro ng House justice committee ang kumpiyansa na makakamit ng Mababang Kapulungan ang kinakailangang bilang ng boto upang muling maisulong ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa isang news forum na ginanap sa Quezon City, noong Sabado, Mayo 2, 2026, sinabi ni Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon na sa kasalukuyan ay mayroon nang 53 miyembro ng Kamara na sumusuporta sa finding of probable cause—isang mahalagang hakbang upang umusad ang impeachment complaint laban sa Bise Presidente.

Ipinaliwanag ni Ridon na kailangan ng hindi bababa sa 106 boto, o isang katlo ng kabuuang 318 miyembro ng Kamara, upang tuluyang maipasa ang impeachment at maipadala ang kaso sa Senado para sa paglilitis.

"Ang kailangan lang naman namin is 106 votes to impeach [Duterte] and to send it to the Senate. Tingin ko naman ay that is a number that will not be difficult to surmount at makuha," anang mambabatas.

Ayon pa sa kaniya, hindi lamang minimum ang target ng Kamara kundi mas mataas pang bilang ng boto upang ipakita ang malawak na suporta sa hakbang.

Politics

Sen. Loren, niligwak na rin ng Kislap Diwa na pinangangasiwaan niya!

"Kung ang minimum requirement lang ay 106, tingin ko hindi na yun mahirap gawin," ani Ridon."At the very best we would want to get at the very least 215 minimum number of votes, which is we had gotten the last time noong first impeachment hearing," dagdag pa niya.

Matatandaan na noong Pebrero 2025 ay umabot sa 215 boto ang nakuha ng impeachment complaint laban kay Duterte—malayong lumampas sa itinakdang threshold—na nagresulta sa pagpapadala ng Articles of Impeachment sa Senado.

Gayunpaman, hindi ito nauwi sa paglilitis matapos magpasya ang Senado noong Agosto 2025 na i-archive ang kaso. Ito ay kasunod ng desisyon ng Supreme Court of the Philippines na nagdeklara sa Articles of Impeachment bilang “unconstitutional,” dahil sa paglabag umano sa one-year bar rule at sa karapatan sa due process.

Sa kabila nito, naniniwala si Ridon na mas magiging matibay ang kasalukuyang proseso, lalo na kung pagbabatayan ang mga ebidensiyang ihaharap at ang pagpapasya ng bawat mambabatas.

"Decide for themselves based on conscience, based on the evidence presented," ani Ridon, na tumutukoy sa magiging batayan ng bawat miyembro ng Kamara sa kanilang boto.

Sa ngayon, patuloy ang deliberasyon ng House justice committee habang inaasahang magiging sentro ng usapin sa politika ang panibagong hakbang na ito laban sa ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.