Bilang bansang nananatiling matatag ang impluwensiya ng kultura at katuruan ng mga ninuno mula sa mga nagdaang siglo, ang kamatayan para sa mga Pilipino ay paglalakbay ng namayapa sa kabilang-buhay.
Kaya ang pangyayaring ito ay binibigyan ng lubos na pagpapahalaga at mga paniniwalang sumasalamin sa pananampalataya at mga kinalakhang tradisyon na naipasa sa pamilya.
Dahil dito, narito ang ilan sa mga pamahiin na pinaniniwalaan sa paghahatid ng namayapa sa kaniyang huling hantungan:
Pagtatakip ng mga salamin
Pinaniniwalaan dito na sa pagtatakip ng mga salamin kung saan idinaos ang libing, dahil maaaring makita ng mga nagluluksa ang yumao rito.
Ayon sa mga matatanda, ang kaluluwa ng yumao ay malayang naglalakad sa mundo sa loob ng 40 araw at sa mga panahong ito, nais nitong maramdaman ng mga kaanak at kalapit na kaibigan ang kaniyang presensiya sa pamamagitan ng amoy ng bulaklak o kaya’y paru-paro.
Tiyaking may sindi lahat ng kandila
Pinaniniwalaan dito na mapapanatiling ligtas ang kaluluwa ng yumao mula sa mga umaaligid na masasamang espiritu sa pamamagitan ng ilaw ng kandila.
Sa pamamagitan din ng mga ilaw na ito, magagabayan ang namayapa patungo sa kabilang-buhay.
Tanggalin lahat ng alahas na suot ng pumanaw
Katulad ng make up, ang mga alahas ay nagsisilbing dekorasyon sa katawan ng yumao upang magmukha itong “natutulog” lang.
Ngunit paghatid sa kaniyang huling hantungan, ipinapayo ng mga matatanda na tanggalin ang mga alahas na ito upang mabilis siyang makatawid sa kabilang-buhay.
Paglalagay ng sirang rosaryo sa loob ng kabaong
Sa kabila ng pagtanggal ng mga alahas, ipinapayo ang pagsira ng rosaryo at paglalagay nito sa kabaong ng yumao upang matiyak ang mapayapang paglalakbay nito sa kabilang-buhay at upang wala nang sumunod na kaanak sa pagpanaw.
Magbasag ng plato
Dahil kadalasang bilog ang plato, pinaniniwalaan ng mga matatanda na ang pagbabasag nito ay nakatutulong upang maputol ang posibleng pagkakasunod-sunod ng pagkamatay sa pamilya.
Iwasang gamitin sa ibang bagay ang mga abuloy
Para naman sa mga kaanak na naulila, ang pera na ibinigay ng mga nakilamay para sa patay ay ipinapayong ilaan sa mga gastusin mula sa burol hanggang sa libing dahil paglaan nito sa ilan pang mga bagay ay posibleng magdulot ng pagpaparamdam ng yumao.
Tingnan ang mga kamay ng yumao
Para din sa mga kaanak, hinihikayat sa paniniwalang ito na tingnan ang mga kamay ng yumao.
Dahil kung nakakuyom ito, pinaniniwalaang magkakaroon ang pamilya ng problema sa pera, ngunit kung nakalahad ito, magiging maluwag ang pasok ng pera sa pamilya.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Iba't ibang pamahiin sa burol at libing ng patay