Tila binuweltahan ng Malacañang si Sen. Imee Marcos kaugnay sa naging pahayag nito tungkol kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., noong Lunes, Marso 30, 2026.
Matatandaang sinabi ni Sen. Imee sa kaniyang inupload na Holy Week video statement na may temang “Pagsisisi at Pagpapatawad” na humingi siya ng tawad sa kaniyang ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr., dahil sa hindi umano niya nabantayan nang mabuti ang kaniyang kapatid na si PBBM.
“Hindi ko nabantayan, e. Kaya, Dad, sinikapan ko talaga, pinagpilitan ko. Nayayamot na nga sa akin si Bongbong. Alam ko naman, pero hindi ko talaga kinaya,” saad ni Sen. Imee.
Ayon naman sa isinagawang press briefing ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro nitong Martes. Marso 31, 2026, nagawa niyang himayin at kuwestiyonin kung sino ba raw talaga ang tila hindi nabantayan ng magulang at nakapagbantay sa kapatid sa pagitan nina Sen. Imee at Pangulo.
“Sino kaya talaga ang hindi nabantayan ng magulang at sino ba talaga ang hindi nabantayan ang kapatid?” pagsisimula niya.
Depensa ni Castro, hindi raw nagmumura, nagme-meltdown sa publiko, at nagbabanta ng buhay si PBBM.
“Unang una po, ang Pangulo [ay] hindi po ito nagmumura, hindi ito nagme-meltdown lalo na sa publiko, at hindi po ito nagbabanta sa buhay nino man,” aniya.
Dagdag pa niya, “Ang Pangulo po ay kinasal, may pamilya, hanggang ngayon [ay] faithful sa asawa.”
Ani Castro, sino umano kaya sa pagitan ng Pangulo at ni Sen. Imee ang totoong naging pasaway.
“So sino po kaya ba ang naging pasaway? Sino po kaya ang dapat na binantayan?” diin niya.
Aniya pa, “Ang paghihingi ng patawad, ‘yon pang hindi pagbabantay sa kaniyang kapatid o ang paninira ng kapatid sa publiko?”
Pagtitiyak ni Castro, alam daw ng Pangulo ang nangyayari sa kaniyang paligid at sa bansa dahilan para makaasa ang publiko na hindi nito sinisiraan si Sen. Imee.
“Alam po ng Pangulo ang nangyayari sa atin at sa mga pangyayari sa ating paligid. Asahan po natin ang Pangulo, hindi po siya naninira ng kaniyang kapatid,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na reaksyon, tugon, o pahayag si Sen. Imee kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: Gov't employees, half-day WFH duty sa Abril 1—Palasyo
KAUGNAY NA BALITA: Rep. Pulong sa iiwang legasiya ni PBBM: Korupsiyon, weakness!