May 22, 2026

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Mga senyales na dapat ka nang matakot diyan sa nunal mo!

ALAMIN: Mga senyales na dapat ka nang matakot diyan sa nunal mo!
Photo courtesy: Unsplash

Bukod sa pagiging marka sa katawan, para sa marami, ang nunal ay nagsisilbi ring pangitain para sa hinaharap o kaya’y nakaraan.

Kaya sa ilang Pinoy, may kahalugan ang bawat nunal depende kung saang parte ito ng katawan nakalagay. 

Anila, kung ang isang tao ay may nunal sa noo, matalino raw ito; kung sa bibig, tsismosa o kaya’y madaldal; kung sa palad, magastos; at kung malapit sa mata, nangangahulugan itong luha at kalauna’y maagang pagkasawi ng asawa. 

Ngunit sa medical context, ang nunal ay isang normal skin growth na nabubuo kapag ang melanocytes o ang mga selulang responsable sa pagbubuo ng pigment o kulay sa katawan ay grupo-grupong lumalaki. 

Kaya kadalasan, ang mga nunal ay nakikita bilang maliliit na tuldok o kaya’y flesh-colored bumps o umbok sa balat. 

Human-Interest

‘Okay ka lang?’ Mga paraan upang ‘mangumusta’ sa kaibigan o katrabaho

Habang ito ay kadalasang harmless na maituturing, mayroon ding uri ng nunal na nade-develop sa cancer. 

Dahil dito, narito ang ilang senyales upang malaman kung ligtas o cancerous ba ang nunal: 

Ayon sa pag-aaral ng American Cancer Society, mahalagang tandaan na ang normal na nunal ay kadalasang kulay brown, tan, o black spot sa balat na maaaring flat o nakaangat. 

Ito rin ay kadalasang pabilog o oval at mas maliit pa sa 6 millimeters o ¼ inch, na maihahalintulad sa haba ng isang pencil eraser. 

Saad pa rito, ang normal na nunal ay kadalasang nasa katawan na simula pagkapanganak at nananatili sa parehang sukat, hugis, at kulay hanggang sa pagtanda. 

Anumang pagbabago rito o kaya’y paglitaw ng bagong nunal ay mahalagang i-konsulta sa doktor dahil maaari itong maging senyales ng melanoma, na uri ng skin cancer na nagsisimula sa melanocytes. 

Isa sa mga paraan upang maagang matukoy ang melanoma ay ang “ABCDE.” 

A - Asymmetry 

Maraming sintomas ng melanoma ay nakikita bilang asymmetrical o hindi pagkakapantay ng marka sa balat. 

B - Border

Ang gilid ng melanoma sa balat ay matatalim at hindi pantay-pantay, kumpara sa normal na nunal na mayroong mas malambot at pantay-pantay na borders o palagid. 

C - Color 

Ang pagkakaroon ng iba’t ibang kulay sa nunal ay maituturing na red flag. 

Ilan sa kulay na makikita sa melanoma ay ang iba’t ibang shades ng brown, tan, o black, at pagpapalit nito sa kulay pula, puti, o asul, sa pagkalat pa nito sa balat. 

D - Diameter o Dark 

Bagama’t natutukoy na ang melanoma habang maliit pa ito, madalas na makikita ang paglaki nito ng higit pa sa 6 millimetro o lapad ng pencil eraser. 

E - Evolving 

Ang melanoma ay kadalasang nagbabago sa sukat, hugis, kulay, o kaya’y pagkakapuwesto sa balat.

Kasama rin dito ang anumang pagdurugo, pangangati, o kaya’y pamamalat sa marka o paligid nito.