Kailan ka huling nagpa-araw sa umaga?
Maraming tao ang naniniwalang ang pagbibilad sa araw tuwing umaga ay nakapagpapapalakas ng katawan at resistensiya.
Kaya kadalasan, makikita na marami ang nakaugaliang maglakad-lakad o mag-jogging sa mga kalsada at parke bandang 6:30 AM hanggang 8:00 AM; o kaya nama’y maupo sa mga tabing-dagat upang salubungin ang sikat ng araw at magpainit rito.
Sa pag-aaral ng University of Florida (UF) Medical Physiology Online, ang sinag ng araw ay isa sa mga mainam na pinagmumulan ng Vitamin D, na responsable sa pagpapalakas ng depensa ng katawan, regulasyon ng immune system, at pagpapababa ng panganib ng ilang inflammatory at autoimmune diseases.
Ayon pa rito, ang UVB o Ultraviolet B rays na mula sa araw ay nakakapag-trigger din ng antimicrobial peptides (AMPs), na natural proteins ng katawan nagpapalakas ng immune cells upang mapabilis ang paghilom ng mga sugat.
Ang pagpapa-araw din ay tumutulong na ma-regulate ang circadian rhythm ng katawan, na responsable sa regulasyon ng cycle ng pagtulog at pagiging alerto.
Batay naman sa Harvard School of Public Health, ang Vitamin D na mula sa pagpapa-araw ay nakatutulong sa katawan na maka-absorb ng calcium at phosphorus na parehang importante sa bone growth.
Isa pa ay ang pagpapababa nito sa panganib ng pagkalat ng cancer cells, pagkontrol sa mga impeksyon at pamamaga sa katawan.
Ilan pa sa mga benepisyo ng Vitamin D ay ang mga sumusunod:
- Regulasyon ng mood at pagpapababa ng posibilidad depresyon.
- Pagpapababa ng panganib ng obesity at nakatutulong sa pagbabawas ng timbang.
- Pagpapababa ng panganib ng diabetes.
- Proteksyon ng oral health.
- Pagpapatibay ng mga kalamnan at buto.