Bumwelta si Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno sa mga nagtatanong tungkol sa importansya ng pagdinig sa impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte sa gitna ng mga suliraning kinakaharap ng Pilipinas gaya ng mababang pasahod, pagtaas ng presyo ng bilihin, at krisis sa langis na epekto ng sigalot sa Gitnang Silangan.
Sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Justice nitong Martes, Mayo 4, binigyang-diin ni Diokno na hindi karaniwang proseso ang impeachment.
“Of course,” sabi ni Diokno, “alam natin na ang kaduluhan ng impeachment ay pananagutan. Pero kailangan siguro nating bigyang-diin na ito ay hindi ordinaryong proseso.”
“Ang impeachment ay likha mismo ng ating Konstitusyon para magkaroon tayo ng isang mabisa at mabilis na mekanismo hindi lang sa pananagutan kundi para malaman kung tampat o hindi ang isang lingkod-bayan na napakataas ng power at responsibility,” dugtong pa niya.
Ayon sa kongresista, korupsiyon umano ang resulta kung hindi tampat ang isang lingkod-bayan.
“Ang bawat pisong nawawala sa korupsiyon na napupunta sa bulsa ng isang opisyal ay pisong ninanakaw sa pinaghirapang pera ng ating mga taxpayer,” saad pa niya.
Samantala, inaprubahan na ng komite nang walang pagtutol ang mga ulat na naglalaman ng articles of impeachment laban sa Bise Presidente.
Ayon kay Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, inaasahang muling mai-impeach ng Kamara si VP Sara sa susunod na linggo.